Cancer ni April Boy gumaling na pero 2 mata napuruhan; hindi pa rin makakita
NAGING emosyonal ang mga tagapanood-tagapakinig ng “Cristy Ferminute” nu’ng Martes nang hapon nang maging panauhin namin ang Jukebox King na si April “Boy” Regino.
Kaarawan niya rin nu’ng Martes, napakalaki ng kanyang pasasalamat sa Diyos dahil sa kabila ng mga paghamon sa kanyang buhay at career ay umabot pa rin siya sa ganitong edad.
“Gusto ko na pong mamatay nu’ng manglabo ang paningin ko. Para ano pa at mabubuhay ako kung hindi naman po pala ako makakakita? Pero napakabait ng misis kong si Madel, hindi niya ako iniwan, tumututok siya sa akin,” sabi ng magaling na singer-composer.
Kung gumaling ang kanyang prostate cancer ay humalili naman ang matinding kumplikasyon ng kanyang diabetes. Akala raw niya ay biro-biro lang ang pagkakaroon ng ganu’ng problema, pero nang maramdaman na niya ang patuloy na paglabo ng kanyang mga mata at panghihina ng kanyang buong sistema ay nu’n lang niya napatunayan, hindi pala ordinaryong sakit lang ang kanyang nilalabanan.
“Pinaputulan ko po ang buhok ko dahil hirap na akong maligo. Si Madel ang gumagawa ng lahat-lahat para sa akin. Dalawang beses na pong naoperahan ang mga mata ko pero hanggang ngayon, banaag lang ang nakikita ko.
“Kailangang itim ang platong ginagamit ko para makita ko ang kanin. Itim at puti lang po ang nababanaagan ko, ang ibang kulay, hindi ko na nakikita nang malinaw,” kuwento ni April Boy.
Pero mabait sa kanya ang Diyos, meron mang nawala sa kanya ay hawak niya pa rin ang talento sa pagkanta, ‘yun ang nagiging inspirasyon niya bukod sa kanyang pamilya.
“Kapipirma ko lang po ng contract sa Star Music, may bagong single po ako ngayon, ang ‘Hanggang Sa Wakas.’ Para po kay Madel ang kanta, kuwento po ito ng isang dakilang pag-ibig, ‘yung ayaw n’yong mawala sa inyo ang taong gusto n’yong makasama habambuhay,” pahayag ng Jukebox King.
Napakaraming nagtawid sa kanya ng mga mensahe ng pagpapalakas ng loob at punumpuno ng pag-asa ang mga binasa naming komento sa programa para sa kanilang idol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.