Tawa kami nang tawa sa mga komento ng isang source nang mapagkuwentuhan sa isang umpukan si Angelica Panganiban. Hindi lang daw basta mahilig sa hugot ang aktres, may kakaiba pa siyang katangian, masokista raw si Angelica.
Ang kanyang sabi, “Hindi n’yo ba napapansin? Tuwang-tuwa siyang bina-bash-bash sa social media, di ba? Siya pa nga ang gumagawa ng paraan at dahilan para siya upakan!
“Hindi ba naman masokista ang tawag sa babaeng gustung-gustong nasasaktan siya? Si Angelica ‘yun!
Parang du’n siya nagiging happy,” unang komento ng impormante.
Marami nang pinagdaanang kontrobersiya si Angelica. Pero kinakaya niya namang lusutan ang lahat ng mga isyung kinapapalooban niya.
Sa totoo lang ay pinatibay na rin kasi ng panahon ang aktres, bata pa lang siya ay puro kontrobersiya na ang kanyang kakambal, hanggang ngayon ay ganu’n pa rin ang ikot ng kanyang mundo.
Pahayag uli ng source sa umpukan, “Kailangang mag-undergo ng anger management ang babaeng ‘yun, kasi, napakadali niyang mairita!
“Masyado siyang manipis, samantalang siya naman ang gumagawa ng mga dahilan kung bakit siya pinupuruhan sa social media! Madali siyang magalit, patol siya nang patol sa mga bashers, pero napakahilig din naman niyang magpagalit ng ibang tao!
“Nabubuhay siya sa hugot, sa nakaraan, ang dami-dami nang nangyayari sa mundo, pero si Angelica, nakatutok pa rin sa past!” madiing komento ng source sa umpukan.