Ate Vi nagpaka-Darna din kay Jessy, sinagip noon sa sunog

VILMA SANTOS AT JESSY MENDIOLA

NAGPAKA-DARNA na rin pala ang Star For All Seasons na si Vilma Santos kay Jessy Mendiola.

No, hindi po ito nangyari sa isang eksena sa pelikula ni Ate Vi, kundi sa tunay na buhay noong bata pa lang si Jessy.

Sa latest YouTube video ni Jessy naikuwento ng boyfriend niyang si Luis Manzano kung paano nagkrus ang landas ng Kapamilya actress at ng kanyang ina. Aniya, mismong ang actress-politician ang sumagip kay Jessy sa isang fire incident.

“Trivia: Nung bata siya, nagkasama sila ni Mommy sa isang commercial. Sila ng ate niya, sila ni ate Pam, nagkasama sila sa isang commercial.

“Nasunog yung set. Niligtas sila ni Mommy,” kuwento ng TV host-comedian.

Ayon naman kay Jessy, batang-bata pa siya noon kaya hindi na masyadong malinaw sa kanya ang ilang detalye ng pangyayari.

“Three years old lang yata ako nu’n. Karga-karga niya ako,” chika ng dalaga tungkol sa pagsagip sa kanya ni Ate Vi.

Kung susumahin ang mga numero, lumalabas na 1996 noong gumawa ng commercial sina Jessy at Vilma, 26 na ngayon si Jessy habang 37 years old naman si Luis. Si Ate Vi naman ay 65 years old.

Pagpapatuloy pa ni Luis, “Tapos nu’ng nangyari ‘yung sunog sa set nila, yung stove, I guess, nilabas sila ni Mommy. Galing, di ba?”

Maraming nag-comment na minsan na rin palang naging “Darna” ang mommy ni Luis kay Jessy dahil sa pagliligtas sa kanya sa kapahamakan.

Bukod dito, naikuwento rin ni Luis na kahit ang tatay niyang si Edu Manzano ay may konek sa Lebanese father ni Jessy na si Roger Tawile. Matagal na palang magkakilala ang dalawa bago pa niya naging girlfriend ang aktres.

“Tsaka daddy ko tsaka daddy niya matagal na magkakilala. Ganu’n ka-small world yung families namin.

Kasi yung dad niya, tsaka yung dad ko, may mga common friends. Tapos nag-uusap pala sila nang hindi namin alam,” chika pa ni Luis.

Naging official ang relasyon nina Luis at Jessy noong June 25, 2016.

Read more...