Mariing pinabulaanan ni dating Gov. ER Ejercito ang balitang disqualified siya sa kanyang kandidatura sa pagka-gobernador ng Laguna matapos hatulan ng guilty sa graft charges noong naging mayor siya ng Pagsanjan.
Ayon pa sa balita ay makukulong si ER mula anim hanggang walong taon at hindi na raw pinayagang makabalik sa public office dahil sa nasabing kaso na may koneksyon sa umano’y “anomalous insurance plan.”
Sa ipinatawag na presscon kahapon ng dating governor sinabi nitong “political harassment” ang ginagawa sa kanya ng mga loyalista ng dating administrasyon.
Puwedeng-puwede raw siyang kumandidato sa pagka-gobernador dahil hindi pa final at executory ang desisyon ng Sandiganbayan. Nag-bail din siya ng P30,600 kasabay ng pagpa-file ng motion for reconsideration.
“Sa nine years na kampanya ko, laging ‘yan ang ikinakaso sa akin, same case kaya nakakadismaya. Kaya sana po, magkaroon na ng finality sa pamamagitan ng Supreme Court dahil kakampi natin ang Presidente (Rodrigo Duterte) hopefully mabibigyan na ako ng hustisya,” saad ni ER. “Walang hustisya, napakababaw ng kaso, very good ang intention,” aniya pa.
“Kasi dati nu’ng mayor ako, ako nagbabayad, eh. Kapag may nalunod o natamaan ng bato ako nagbabayad. So we created a special program, Accident Protection and Assistance Program. Again, this is not an insurance program. Kasi five insurance companies denied our requests because the boat rides are very risky. Kaya kailangan talaga merong accident protection program,” paliwanag pa ni ER sa kanyang kaso.
At kaya patuloy siyang lumalaban sa politika ay dahil sa halos lahat ng surveys ay lamang siya sa kalaban (Ramil Hernandez), “Ganu’n talaga sa kampanya, eh, siraan at fake news. Pero ako, totoo lahat ang sinasabi ko.”
Samantala, naibalita rin ni ER ang tungkol sa patuloy niyang paggawa ng pelikula na isa rin sa mga pinagkukunan niya ng kabuhayan, “Yan ang isa sa past time ko, gumagawa ako ng pelikula kasama ang anak ko (Jerico Ejercito). Ginagawa niya ang ‘Ben Tumbling’ at ‘Pancho Villa.’ And hopefully this year ang playdate ng SAF 44.”
Pero biglang bawi ng aktor, “Secret muna pala kasi lahat ibebenta ko sa Netflix. May kasunduan kasi kami. Lahat ng pelikula ko, mapapanood din sa Netflix. So ngayon, nabenta ko na ‘yung apat na pelikula ko sa Netflix, Asyong Salonga, Emilio Aguinaldo, Boy Golden at Muslim 357. Minimum one million dollars ang isa, pero ang Aguinaldo mas malaki kasi 125 million ‘yun, eh.”