WALANG Maine Mendoza na sumipot sa premiere night ng pelikulang “Stranded” nina Arjo Atayde at Jessy Mendiola.
Inasahan kasi ng ibang dumalo na darating ang rumored girlfriend ni Arjo dahil nakita nila ang pangalan ng dalaga sa upuan ng mga bisita ng Kapamilya actor.
Nang banggitin ito sa amin ay nagulat kami dahil ang alam namin ay hindi darating ang dalaga at sinang-ayunan ito ni Arjo dahil may trabaho pa si Maine.
Sa darating na Mahal na Araw ay aalis ng bansa ang aktor kasama ang mga kaibigan. Hindi nito binanggit ang pangalan ni Maine pero duda naman ng lahat ay makakasama niya ang dalaga dahil pagkakataon din nila ito na makapag-bonding dahil walang work.
Anyway, nagtatanungan naman ang ilang katoto kung kailan aaminin nina Arjo at Maine ang kanilang relasyon. Ang palagi kasing sinasabi ng dalawa ay nasa “dating stage” pa rin sila kahit halata namang sila na.
Samantala, palabas na ngayong araw ang “Stranded” na binigyan na nakatanggap ng Grade B mula sa Cinema Evaluation Board. Ito’y sa direksyon ni Ice Adanan produced ng Regal Entertainment.
Bukod kina Arjo at Jessy, kasama rin sa pelikula sina Gretchen Ho (unang pelikula ng TV host-athlete), Mitch Ligayu, Miko Raval, Miggy Marty, Johnny Revilla, Mat Mendoza at Pinky Amador.