NAKATAKDANG magsagawa bukas ng inspeksyon ang Department of Health (DOH) sa police detention facility sa Biñan City, Laguna matapos umanong masawi ang isang babaeng preso sa meningococcemia.
Sinabi ni Region 4-A Department of Health (DoH) chief Dr. Eduardo Janairo, namatay ang 24-anyos na biktima sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City, Sabado ng hapon.
Kumuha ang mga doktor sa RITM ng blood samples para masuri kung namatay nga ang preso sa meningococcemia.
Sinimulan na rin ng DOH at city health office na bigyan ng oral prophylaxis ang 150 preso at pulis sa Binan city jail.
Sinabi ni Dr. Melbril Alonte, medical director ng Ospital ng Biñan, na unang dinala ang babae sa kanilang ospital Sabado ng umaga matapos na mawalan ng malay.
Nakaranas umano ang babae ng mataas na lagnat, seizure, at mga pantal sa katawan.
“She was unconscious when she was brought in,” sabi ni Alonte. Idinagdag ni Alonte na pinaghihinalaang kaso ito ng meningococcemia dahil sa mabilis na pangyayari.
Nagpatupad na rin ng lock down sa emergency room ng ospital para sa “wall-to-wall” disinfection, habang nagbibigay ng prophylaxsis sa mga pasyente at empleyado ng ospital.
Hinahanap na rin ng DOH ang pamilya ng babae para mabigyan ng gamot.
Ayon sa ulat, naaresto ang babae dahil sa iligal na droga noong Marso 31.
Ipinagbawal na rin ang mga bisita sa kulungan habang hinihinta ang resulta ng pagsusuri ng RITM.