Liza nag-sorry kay Angel: Naawa ako sa kanya, sana ok lang siya

ANGEL LOCSIN AT LIZA SOBERANO

“NO” pa rin ang sagot ni Angel Locsin sa lahat ng mga nagsasabi na siya na lang uli ang gumanap na Darna matapos umatras si Liza Soberano sa proyekto.

Naiintindihan ni Angel ang pinagdaraanan ngayon ni Liza kaya agad niyang kinausap ang dalaga tungkol sa pag-urong nito sa pelikulang “Darna” ng Star Cinema.

“Nag-try ako mag-message sa kanya. Sagot niya, ‘Ate, I’m sorry.’ Naawa ako sa kanya. Naramdaman ko kung gaano siya ka-devastated sa nangyari,” pahayag ni Angel sa panayam ng ABS-CBN.

Kung matatandaan, bago si Liza, si Angel sana ang gaganap bilang Darna sa bagong movie version nito na ididirek ni Erik Matti. In-announce ito noong 2014.

Pero noong 2017 ay nag-back out si Angel matapos maoperahan sa kanyang spine. Mayo, 2017 nang ihayag naman ng Star Cinema na si Liza na ang lilipad bilang bagong Darna.

Pero kagabi nga ay ibinalita ni Liza na hindi na niya magagawa ang “Darna” dahil sa kanyang finger injury.

“Kung meron mang taong makakaintindi sa pinagdadaanan niya ngayon, mas ako ‘yun. Nag-alala ako sa kanya, sana okay lang siya,” pahayag ni Angel.

Binigyan din niya ng payo si Liza sa pag-atras nito sa nasabing proyekto, “Hindi kasi ito ang katapusan ng lahat for Liza eh, alam nating marami pang mangyayari. Sana hindi niya hayaang ma-define siya ng injury na ‘yan kasi marami pa siyang puwedeng i-offer.”

Sa pag-atras ng girlfriend ni Enrique Gil sa “Darna” may mga nagsabing ibigay na lang kay Pia Wurtzbach ang project dahil bagay na bagay din daw sa beauty queen-actress ang lumunok na bato ni Darna.

May mga nag-suggest naman na bagay ding mag-Darna sina Yassi Pressman, Nadine Lustre at Jennylyn Mercado. Pero meron ding nagsabi na ibalik na lang kay Angel ang proyekto.

“Of course masaya ako sa pagmamahal na binigay nila, pero no,” agad namang sagot ni Angel.

Read more...