Sports leaders, athletes dapat magkaisa ngayong SEA Games —Lopez

 

NANAWAGAN ang dating sports leader at ngayon ay public official na si Manny Lopez sa lahat ng mga sports leaders na magkaisa at magtulungan para maging matagumpay ang 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Hinikayat din ng mambabatas buhat sa Maynila ang mga atletang Pilipino na ibigay ang makakaya para makamit ng bansa ang overall championship sa SEA Games.

“I think we can win the overall title on the SEA Games again. I think it can be done basta lahat tayo sama-sama,” sabi ni Lopez sa pagdalo sa “Usapang Sports” na inorganisa ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

Subalit may payo naman si Lopez, na responsable sa pagkamit ng bansa ng isang pilak at dalawang tanso sa boxing sa Olympics noong maging pinuno ng Amateur Boxing Association of the Philippines, para sa mga sports leaders at atleta.

“In the Southeast Games. we can’t be divided lalo pa’t tayo ang host country,” sabi pa ni Lopez.

‘‘We can’t confront our enemies on a divided front. Iisa lang ang ating minimithi kaya dapat iisa lang ang ating gagawin na paghahanda.”

Kumpiyansa naman si Lopez na kaya ng Pilipinas na makuha ang overall crown.

“‘Yun mga atleta naman natin, malaki ang paniniwala ko sa kanilang kakayahan. Malaking pagsubok itong SEA Games pero nandiyan naman lagi ‘yung fighting spirit nila,” dagdag pa ni Lopez, na tumatakbo muli blang Kongresista sa unang distrito ng Maynila.

Isa naman sa mga batas na isinulong ni Lopez sa Kongreso ang Republic Act 11214 na nagtaguyod sa Philippine Sports Training Center.

Binatikos naman ni Lopez ang pagtatayo ng P3 bilyong training facility sa Capas, Tarlac at iginiit na dapat itong itayo sa mas mataas na lugar tulad ng Baguio, Tagaytay at Los Baños, Laguna.

“Sobrang init sa Capas, Tarlac and it is not conducive for athletes to train,” ani Lopez.

MASAYANG sinagot ng dating sports leader na si Manny Lopez (ikalawa mula sa kaliwa) ang tanong mula sa sports media sa kanyang pagdalo sa “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

Read more...