Petron, F2 Logistics pinapaboran sa PSL Grand Prix quarterfinals

Laro Sabado (Abril 6)
(Filoil Flying V Centre)
4 p.m. Petron vs Sta. Lucia
6 p.m. F2 Logistics vs Foton

PINAPABORAN ang Petron Blaze Spikers and F2 Logistics Cargo Movers sa kani-kanilang mga katunggali sa paglarga ng 2019 Philippine Superliga Grand Prix quarterfinals ngayong Sabado sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Makakasagupa ng Blaze Spikers ang Sta. Lucia Lady Realtors sa unang laro ganap na alas-4 ng hapon habang makakaharap ng Cargo Movers ang Foton Tornadoes sa alas-6 ng gabi na main game.

Nagtapos ang Blaze Spikers sa No. 1 spot matapos itala ang 14-game sweep sa preliminaries at nakubra ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals kontra No. 8 seed Lady Realtors.

Makakatapat naman ng Cargo Movers, na taglay din ang twice-to-beat advantage matapos na lumapag sa ikalawang puwesto sa tangan na 11-3 win-loss record, ang No. 7 seed Tornadoes.

Hindi naman nagkukumpiyansa ang F2 Logistics kontra Foton dahil ipaparada ng Tornadoes ang magkapatid na sina Jaja Santiago at Dindin Manabat sa kanilang quarterfinal matchup.

 

Read more...