Coco haring-hari pa rin, Probinsyano hindi mapatumba; Angel bagong Primetime Queen ng ABS-CBN

ABS-CBN pa rin ang pinakapinanood na TV network sa buong bansa noong Marso matapos mangibabaw ang siyam na Kapamilya shows sa top Top 10 list ng mga pinakapinanood na programa, kaya naman nakapagtala ito ng average audience share na 47%, ayon sa datos ng Kantar Media.

Hindi pa rin natitinag ang FPJ’s Ang Probinsyano (42.4%) bilang numero unong programa sa buong bansa dahil sa kapanapanabik na mga eksena nito. Nananatili pa rin ang pagiging hari ni Coco Martin sa balat ng telebisyon.

Sinundan naman ito ng The General’s Daughter (32.3%) ni Angel Locsin na kinapitan ng viewers kahit may bago itong kalaban na programa.

Inabangan din ang World of Dance Philippines (31.5%) tuwing weekend na nananatiling pinakapinanood na programa tuwing Sabado at Linggo, habang TV Patrol (30.9%) ang tinatangkilik ng viewers para sa makabuluhang mga balita na hatid nito.

Patuloy namang nagbigay ng inspirasyon nitong nakaraang Marso ang Maalaala Mo Kaya (28.7%) ni Charo Santos, samantalang hindi bumitaw ang viewers sa mabagsik na mga eksena ng mga bida ng Halik (24.5%).

Kabilang din sa Top 10 list ang magazine show ni Korina Sanchez na Rated K Handa Na Ba Kayo? (22.2%), ang mga mahiwagang kwento ng aral sa Wansapanataym (21.9%), at ang sit-com na Home Sweetie Home Walang Kapares (21.6%).

Samantala, patuloy pa rin na nanguna ang Kapamilya network sa buong bansa, particular na sa Metro Manila kung saan nagtala ito ng average audience share na 44%, at sa Mega Manila kung saan nagkamit naman ito ng average audience share na 38%.

Nangibabaw din ang ABS-CBN sa Total Luzon kung saan nagrehistro ito ng 41%; sa Total Visayas kung saan nagtala ito ng 57%; at sa Total Mindanao kung saan nakaani ito ng 56%.

Panalo rin ang ABS-CBN sa lahat ng timeblocks, partikular na sa primetime block (6 p.m. to 12 midnight) na nagkamit ng average audience share na 50%.

Ang primetime block ang pinakaimportanteng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilipino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.

Tinutukan din ang Kapamilya network sa morning block (6 a.m. to 12 noon) na nagrehistro ng 38%; sa noontime block (12 noon to 3 p.m.) na pumalo sa 48%; at sa afternoon block (3 p.m. to 6 p.m.) na nagkamit ng 49%.

Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit nito ng nationwide panel size na 2,610 na urban at rural homes.

Read more...