Sinorpresa ng Hashtags member si Maricris Dungca kahapon sa pamamagitan ng pagdalaw sa ospital kung saan ito naka-confine. Hindi akalain ng female fan na maglalaan talaga ng oras ang kanyang idolo para puntahan siya at kumustahin.
Nalaman ni McCoy na isa siya sa mga taong nagsisilbing inspirasyon kay Maricris para lumaban sa buhay. Bukod daw sa kanyang pamilya ang Kapamilya actor daw ang nagpapasaya sa kanya at nagbibigay ng motivation para abutin ang kanyang mga pangarap.
Sa kanyang Instagram account, ipinost ni McCoy ang litrato nila ng kanyang fan na may emosyonal na mensahe.
“Panandaliang instrumento lang ako para maging masaya at madagdagan lakas niya kasi pamilya pa rin talaga makakagawa nun. Pero nung sinabi niyang ‘Lumaban ako para sa pamilya ko… sayo… sa inyo (CK at Rayt)’, nung sinabi niya yan nabigla ako at napangiti,” unang bahagi ng caption ng binata. Ang tinutukoy niyang Charles Kieron at Rayt Carreon ay mga members din ng Hashtags.
“Hanggang ngumiti na rin siya at hindi na nainda yung nararamdaman niya. Sa totoo lang siya ang masasabi kong depinisyon ng matapang na babae. Kaya salamat sa maganda at matapang na binibining ito mag palakas ka lang at mag dasal *hug*.
“Masaya sumuporta ng iniidolo pero sana ingatan ang kaligtasan ha dahil nagaalala ang pamilya niyo sa inyo. Kung sino man yung gumawa sayo niyan Maricris lagot sa akin yan,” pagpapatuloy pa ni McCoy.
Pinuri at pinasalamatan naman ng mga kaibigan ni Maricris si McCoy sa ipinakita nitong malasakit sa kanyang fan. Nag-offer din ang mga ito ng dasal para sa paggaling ni Maricris.