ANG bagong pole vault superstar na si Natalie Uy, na nagtala ng bagong Philippine record sa ginanap na 2019 Ayala Philippine Athletics Championship sa Ilagan, Isabela, ang kinilala bilang “TOPS Athlete of the Month” para sa buwan ng Marso.
Ang 24-anyos Filipino-American na si Uy ay tinanghal na bagong Philippine track and field darling matapos na magtala ng bagong national women’s pole vault record noong Marso 5.
Si Uy, na ang ama na si Henry ay tubong-Cebu, ay nagtala ng sa 4.12 metro sa kanyang unang pagsalang para burahin ang 11-taon record na 4.11 metro ni Deborah Samson.
Ang record-breaking feat ay posibleng sapat na para sa gintong medalya sa gaganaping 30th Southeast Asian Games sa bansa dahil ang marka ni 2017 Kuala Lumpur gold medalist Chayanesa Chomchuendee ng Thailand ay 4.10 metro lamang.
Si Uy ang ikatlong Filipino athlete na pinarangalan ng TOPS kasunod nina world boxing champion Manny Pacquiao (Enero) at swimming sensation Jasmine Mojdeh (Pebrero).
Maliban kay Uy, ang iba pang atletang Pinoy na kinonsidera ng TOPS para sa buwanang parangal ay sina mixed martial arts champion Stephen Loman, mga boksingero na sina Michael Dasmariñas, Juan Miguel Elorde at Lito Dante, chess prodigy Daniel Quizon at Mojdeh, na humakot ng anim na ginto at nagtala ng mga bagong meet record sa 2019 Age-Group Champs Swim Meet na ginanap sa Tokyo, Japan sa nakalipas na buwan.