Ulo ni Albayalde bayad sa Negros massacre


NAIS ng mga militanteng kongresista na kailangan matanggal sa puwesto si National Police chief Oscar Albayalde kaugnay sa pagpatay umano sa 14 na magsasaka sa Negros Oriental.

Ngayong araw ay naghain din ng resolusyon sina Representatives Ariel Casilao (Anakpawis), Carlos Isagani Zarate (Bayan Muna), Emmi de Jesus (Gabriela), Antonio Tiñio (ACT), Arlene Brosas (Gabriela), France Castro (ACT) at Sarah Jane Elago (Kabataan) upang paimbestigahan ang naganap na insidente.

“We call on the immediate, hindi lang po ‘yung pagtanggal ng mga local police chief, kundi maging ang pagtanggal dapat kay General Albayalde,” ani Casilao sa press conference.

Sinabi naman ni Zarate na matutulad kay dating Army Major General Jovito Palparan ang mga pulis na nasa likod ng pagpatay sa mga militanteng magsasaka. Aabot at aabot umano ang kamay ng hustisya sa kanilang mga ginawa.

Si Palparan ay nahatulang guilty at nakakulong kaugnay sa pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines noong 2006.

Sinabi ng mga kongresista na bago pa man matapos ang imbestigasyon ay may konklusyon na si Albayalde na lehitimo ang naging operasyon ng mga pulis.

Nanawagan din ang mga kongresista na ibasura ang “Oplan Sauron” na ginagamit umano ng PNP at Armed Forces of the Philippines sa Negros Oriental upang tugisin ang mga aktibistang magsasaka.

Read more...