Visit visa o bwisit visa

DATI-rati ay maraming mga kababayan natin ang nakararating ng Dubai gamit ang visit visa.
Hindi na ngayon. Para kang susuot sa butas ng karayom bago ka makapunta roon.
Kamakailan lamang ay may 29 Pinoy na naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration sa airport at hindi pinayagang makaalis ng bansa.
Ayon kay Dana Mangote Sandoval, tagapagsalita ng BI, may mga hawak na visit visa at return tickets ang mga kababayan natin na dadalaw umano sa kanilang mga kamag-anak doon, pero hindi pa rin nila nakumbinsi ang mga immigration officers kaya tinadtad sila ng tanong.
Sa bandang huli, umamin din ang mga ito na hindi nga sila mag-tuturista sa Dubai kundi magtatrabaho doon bilang mga waiter.
Bumabalik na naman ang modus operandi na ito ng mga illegal recruiter na minsan din naming tinagurian lbilang “bwisit visa.”

Mas malaking problema kung nakalusot at nakaalis ang mga kababayan nating ito. Akala nila ay ganoon lamang kasimple na kapag nakarating ng Dubai ay magiging madali lamang ang lahat.
Ang totoo, napakahirap maghanap ng trabaho sa Dubai. Kahit pa nga mga dati nang tagaroon na nawalan ng trabaho ay hindi rin agad makahanap ng kapalit na trabaho.
At kadalasan, ang mga pumasok naman gamit ang visit visa ay ilang araw lamang ang kailangang ipanatili doon at kapag nag-expire na ang kanilang visa, napipilitan silang mag-exit sa malapit na mga bansa doon at pagkatapos ay maga-apply na naman pabalik ng Dubai at bibiling muli ng visit visa.

Ganyan ang nangyari sa isang banker na nag-resign sa kanyang trabaho at nagtungo sa kapatid niya sa Dubai bilang turista. Halos isang taon siyang naghanap ng trabaho pero wala siyang nakuhang mapapasukan doon kaya umuwi na lang ng Pilipinas.
Nagsisisi siya kung bakit nakapunta-punta pa siya sa Dubai. Sinabi niya na hindi-hindi na siya magbabakasali bilang turista upang maghanap lamang ng trabaho.

Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...