Maganda pa rin si Claudine, makinis pa rin, at ang pinakamahalagang napansin ng ehekutibo ay ang napakalaking timbang na nawala sa kanya.
Dahil du’n ay nagkaroon ng idea ang grupo na bigyan ng magandang proyekto si Claudine. Kung ayaw niyang gumawa ng serye na dati niyang pinagreynahan nu’n sa ABS-CBN ay puwede namang pelikula agad ang kanyang gawin.
At ang kuwento ng aming source na pinaplanong maging katambal ng aktres ay si Piolo Pascual, ang leading man niya sa pelikulang “Milan,” na naghakot talaga ng salapi para sa kaban ng yaman ng Star Cinema.
Magandang pagbabalik ‘yun para kay Claudine, marami pa rin siyang tagahangang nag-aabang lang sa paggawa niya ng proyekto, gustong patunayan ng grupo na may lugar pa rin para sa kanilang idolo kahit pa matagal siyang tumigil sa pagtatrabaho.
Isa si Tita Dolor Guevarra sa mga nagpapapatunay kung gaano pa rin kaganda si Claudine. Kapag nakikita nito ang aktres ay hindi bumibitiw ng tingin si Tita Dolor.
“Alam mo, ang ganda-ganda pa rin niya, ang kinis-kinis pa rin. At napakalaki ng ipinayat niya!
“Napakaganda niya talaga, hindi ko siya pinagsasawaang pagmasdan kapag magkakasama kami nina Gretchen,” balita pa ng kaibigan naming manager.