Darna ni Liza, bagong serye ni Angelica bininyagan ang 2 soundstage ng ABS sa Bulacan

VERY soon ay pwede na ring matawag na City of Stars ang San Jose del Monte Bulacan. Ito’y kapag pormal nang nagbukas ang dalawang soundstage roon ng ABS-CBN.

Pina-bless na ng ABS-CBN ang mga nasabing pasilidad sa Bulacan noong December 13, 2018 na itinayo sa 7.7-hectare property ng mga Lopez. Balitang umabot sa P700 million ang nagastos sa nasabing hi-tech facility na maaari nang ihalintulad sa Hollywood.

Ito ang ibinalita ni San Jose del Monte Mayor Arthur Robes at ng misis niyang si Cong. Rida Robes sa ilang miyembro ng entertainment press kamakailan.

Nakasama raw sila sa blessing nito na dinaluhan nina ABS-CBN executives Charo Santos-Concio, Cory Vidanes, ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak, ABS-CBN Chairman Mark Lopez at ABS-CBN Chair Emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III.

Ayon kay Mayor Robes, inaasahang magbubukas ngayong darating na July ang ABS-CBN soundstage, “Yes, nag-blessing na kami actually, kaya lang, parang kulang pa sila sa ibang mga equipment. Pero sabi nila, July talaga.

“Napakaganda ng soundstage, yung property is around 140 hectares, pero yung kinatatayuan ng soundstage, more or less, 10 to 15 hectares,” dagdag pa ng alkalde.

Naniniwala ang mag-asawang Robes na malaki ang maitutulong ng ABS-CBN soundstage sa ekonomiya ng San Jose del Monte, Bulacan na nagkaroon ng hindi kagandahang imahe mula nang maging relocation sites ang kanilang bayan ng mga informal settlers mula sa iba’t ibang lugar.

Ayon pa kay Robes totoong tumaas ang value ng mga property sa kanilang bayan dahil sa dalawang ABS-CBN soundstage at sa ongoing construction ng MRT 7 doon. I-naasahan nila na maraming celebrities at empleyado ng Kapamilya Network ang kukuha ng bahay sa SJDM kapag nagsimula na ang full operations ng soundstage.

Ayon kay Cong. Rida Robes nagsisimula na sa soundstage ng ABS-CBN ang shooting ng “Darna” movie ni Liza Soberano at ng bagong teleserye ni Angelica Panganiban.

“Nagsu-shooting na sila ng teleserye ni Angelica Panganiban. Yung Darna, nagsisimula na sila. We were there ni Mayor sa blessing ng ABS-CBN soundstage. Si Boss Gabby, very touched kasi dream niya yun.

“Ang ganda ng soundstage, maipagmamalaki mo at talagang hulmang-hulma sa Amerika,” kuwento ng kongresista na naging talent pala ng Regal Films noong dekada 90 kaya malapit din ang puso niya sa mundo ng showbiz.

Dagdag pa ni Rida, pangarap din niyang maging broadcasting hub ang San Jose del Monte. Sa katunayan nakipag-usap na siya sa dalawang network para ilipat doon ang kanilang radio station.

Read more...