Marjorie walang laban kina Gretchen at Claudine kaya tahimik lang

GRETCHEN, CLAUDINE AT MARJORIE BARRETTO

Sa dinami-dami na ng mga salitang binitiwan nina Gretchen at Claudine Barretto tungkol sa kanilang kapatid na si Marjorie ay kapansin-pansin na parang deadma lang sa kanyang mga kapatid ang aktres.

Maraming nagtataka kung bakit, talaga raw kayang palalampasin na lang ni Marjorie ang pagsasalita nina Claudine at Gretchen o naghahanap lang muna ito ng ebidensiya at tiyempo?

Mas magandang manahimik na lang talaga si Marjorie, kilalang-kilala niya naman ang kanyang mga kapatid, wala siyang puwedeng sabihin kundi ang manahimik na lang.

Kapag nakipagsagutan pa si Marjorie sa kanyang mga utol, lalo na kay Gretchen, ay siguradong maraming kalansay sa baul na ilalantad si Gretchen.

Walang prenong magsalita ang aktres, wala itong kinatatakutan, kabisado ni Marjorie ang kanyang kapatid. Kaya siguro nga ay ‘yun ang isa sa mga dahilan kung bakit habang pinapana siya ng mga salita ng kanyang kapatid ay nananahimik na lang siya.

Hindi handang makipagtalakan sa kanyang kapatid si Marjorie, pananahimik ang pinakamabisang armas niya sa ngayon, marami kasing kuwentong mabubungkal mula sa baul ng alaala.

Read more...