55 tsuper nagpositibo sa droga

LIMAMPU’T limang driver ang nag-positibo sa paggamit ng iligal na droga nang suriin ng Philippine Drug Enforcement Agency ang libu-libong nagmamaneho ng pampublikong sasakyan nitong Biyernes.

Ang 55 ay kabilang sa 4,470 driver na sinuri sa 54 pangunahing terminal sa iba-ibang bahagi ng bansa, bilang bahagi ng Oplan “Harabas,” ayon kay PDEA spokesman Derrick Carreon.

Sa mga nag-positibo, 24 jeepney driver, 13 tricycle driver, 11 taxi driver, limang UV express van driver, at isang bus driver ang kinakitan ng tanda ng paggamit ng shabu, habang isang tricycle driver ang nalamang gumagamit ng marijuana, aniya.

Dalawampu’t limang driver sa Zamboanga Peninsula ang nagpositibo ng paggamit ng shabu, sinundan ng tig-walo sa Pasay City at Central Visayas, at tigta-tatlo sa Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Southern Mindanao, ayon sa tala ng PDEA.

Isinasailalim pa sa confirmatory tests ang mga inisyal na resulta, ani Carreon.

Ang Oplan “Harabas” ay ang biglaa’t magkakasabay na drug test sa mga driver sa mga terminal sa buong bansa.

Nilunsad ito matapos inutos ni PDEA chief Aaron Aquino ang pagsasagawa ng drug test sa mga driver dahil sa tumataas na bilang ng aksidente sa kalsada na kinasangkutan ng mga “bumabatak” na tsuper.

Mula Enero 2018 hanggang Enero 2019, nasa 3,654 driver, kundoktor, at dispatcher na ang naaresto sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law, ayon sa PDEA. 

Read more...