B-day hugot ni Vice: Sana suportahan n’yo rin ako kapag may nagmamahal sa akin

ION PEREZ AT VICE GANDA

“SANA suportahan n’yo rin ako pag nagmamahal ako at pag may nagmamahal sa ‘kin!”

Yan ang hugot birthday wish ng Phenomenal Star na si Vice Ganda sa live episode kanina ng It’s Showtime. Bukas pa, March 31 ang ika-43 kaarawan ng TV host-comedian.

Ayon kay Vice, wala na siyang mahihiling pa sa kanyang buhay at career ngayon dahil patuloy pa rin siyang inuulan ng blessings.

Sa birthday celebration nga niya kanina sa Showtime, hiningi ng kanyang mga co-hosts kung ano ang birthday wish niya. Sagot ni Vice, “Alam ko namang tatanungin ako kung ano ang wish ko.

“Nag-isip ako ano pang wish ko, e, parang okay naman ako. Nakaipon-ipon naman na ako.

“Nakakakain naman kami nang sapat. Nakakapunta naman ako sa gusto kong puntahan. Masaya naman ang buhay ko,” simula niyang pahayag.

Pagpapatuloy niya, “Na-realize ko na ang wish ko lang, e, nagpapasalamat ako na ang mga tao sinusuportahan ako pag nagpapatawa ako.

“Maraming salamat po at sinusuportahan niyo ako pag nagpapatawa ako. Sana suportahan niyo rin ako pag nagmamahal ako at pag may nagmamahal sa akin.

“Kasi ang dami kong nababasa and hindi ko talaga maintindihan bakit yung iba, gusto lang nila yung bakla pag nagpapatawa. Pero pag yung bakla nagmamahal, hindi nila gusto.

“Pag yung bakla binabatukan sa TV o sa pelikula, natatawa sila. Pero yung bakla minamahal nu’ng lalaki, hindi n’yo matanggap,” emosyonal na pagtatapat pa ng Phenomenal Box-Office King.

Kaya naman ang hiling ni Vice, “Sana maging masaya tayo para sa isa’t isa. Hindi naman ikakabawas ng kasiyahan at pagkatao ninyo kung magiging masaya kayo sa kasiyahan ng iba.

“Yun ang wish ko para sa isa’t isa. God bless you,” aniya pa.

Kamakailan, kumalat ang balita na si Ion Perez o mas kilala sa tawag na Kuya Escort sa Showtime, ang bagong boyfriend ni Vice. Umamin daw ang dalawa sa taping ng Gandang Gabi Vice last week.

Inaasahang bukas ng gabi mapapanood ang nasabing episode kung saan guest din sina Bea Alonzo at Charo Santos.

Kasabay nito, nagpasalamat din si Vice sa lahat ng taong nagmamahal sa kanya sa kabila ng kanyang mga pagkukulang at kahinaan.

“Sa inyong lahat, maraming salamat sa pagmamahal sa akin at sa pang-unawa sa mga kahinaan ko.

“I am not a perfect person. I am not the best entertainer in the country. I am not the best comedian, but you love me very much. Maraming salamat po,” pahayag pa ni Vice.

Read more...