Pagkamatay ni Edu sa Probinsyano ipinagbunyi ng madlang pipol

EDU MANZANO

Isang araw bago nagsimula ang pormal na kampanya para sa mga kumakandidato sa lokal na posisyon ay pinatay na ang karakter bilang huwad na pangulo ni Edu Manzano sa Ang Probinsyano.

Matindi ang inabot na galit mula sa manonood ni Presidente Lucas Cabrera dahil sa kanyang pagiging impostor at corrupt. Tumaas ang galit ng masa sa karakter ni Edu, palagi siyang ipinagdarasal na mamatay na sana, dahil sa kanyang kasamaan.

Si Ricardo Dalisay mismo ang pumatay kay Pangulong Cabrera, gigil na gigil si Coco Martin sa sobrang galit habang pinapuputukan si Edu, nagpapalakpakan ang buong bayan sa kanyang pagkamatay.

Ang tanong ngayon ng marami ay kung makaapekto kaya sa pagtakbo bilang congressman ni Edu Manzano sa San Juan ang napakasama niyang papel sa matagumpay na serye?

Sa biglang paghusga ay puwede, baka nga maapektuhan nu’n ang kanyang kandidatura, pero marunong nang maghiwalay ngayon ang mga kababayan natin sa kung ano ang totoo at iniaarte lang.

Role lang naman ‘yun na binigyang-buhay ng magaling na aktor, walang kuneksiyon ang kanyang pagiging corrupt na pulitiko sa tunay na buhay, makilatis na ngayon ang mga botante.

Read more...