2 patay, higit P5M shabu nasabat sa Maynila | Bandera

2 patay, higit P5M shabu nasabat sa Maynila

John Roson - March 28, 2019 - 04:49 PM

DALAWANG lalaki, kabilang ang isang barangay kagawad, ang napatay habang mahigit P5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Maynila, Huwebes ng umaga.

Napatay si Ronnie Labongray Jr. alyas “JR,” residente’t kagawad ng Brgy. 561, nang manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng raid sa kanyang bahay sa Gerardo st., distrito ng Sampaloc, sabi ni Maj. Gen. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.

Sinalakay ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit at Manila Police District Station 4 ang bahay ni Labongray, dakong alas-9:40, sa bisa ng search warrant, aniya.

Nakuhaan si Labongray ng mga sachet na may aabot sa 150 gramo oP1.02 milyon halaga ng hinihinalang shabu at kalibre-.45 pistola na may karga pang mga bala.

Sa paghalughog sa bahay, nadatnang nagpa-pot session sina Ronelyn Labongray, Alfredo Joanino, at Jeffrey Gallaron, kaya sila’y dinakip, ani Eleazar.

Nasamsam sa kanila ang tatlong malaking sachet na may aabot sa 200 gramo o P1.36 milyon halaga ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Ayon kay Eleazar, si Ronnie Labongray ay kabilang sa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency habang ang kanyang mga kasama’y sangkot sa bentahan ng droga sa Maynila at Quezon City.

Konektado rin sila sa mga “ninja cop” na sina PO2 Jolly Aliangan at PO2 Joel Padre Juan, kapwa dating miyembro ng MPD, anang NCRPO chief.

Si Aliangan ay nakaditine ngayon sa Manila City Jail habang si Juan ay napatay sa pamamaril sa Sampaloc noong 2018.

Dati nang naaresto si Labongray para sa kasong may kinalaman sa droga noong 2017, pero pinawalan nang sumunod na taon nang ma-dismiss ang kaso, ani Eleazar.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Samantala, dakong alas-3:30, napatay ang isang Jabir Ampuan nang manlaban din sa raid sa kanyang bahay sa Maliwarag st., Brgy. 648, Zone 67, San Miguel.

Narekober sa kanya ang isang Uzi sub-machine gun na may 10 pang bala, isang granada, at tinatayang P3 milyon hinihinalang shabu.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending