NAIYAK ang social media sensation na si Dante Gulapa nang maglaro siya sa Kapamilya game show na Minute to Win It on Tuesday.
Ayon kay Dante na sikat na sikat ngayon dahil sa kanyang viral “eagle dance”, napakasaya lang niya dahil kahit na macho dancer siya noon ay sinuportahan pa rin siya ng publiko. Hindi lang daw siya makapaniwala na maiimbitahan siya sa mga sikat na TV show.
Aniya, “17 years old noong natuto akong magsayaw sa bar. Tapos, nandoon na ‘yung nalulong na ako sa bisyo at nabaon ako sa utang. Noong na-raid ‘yung bar namin, doon ako nagsimulang mag-stop.
“Ngayon, 13 years na po kaming kasal ng asawa ko. Meron na po kaming tatlong anak. Simula noong nagbagong-buhay ako, diri-diretso na ‘yung blessing na dumarating sa amin. Sobra-sobra po talaga akong nagpapasalamat sa Panginoon at mga umiidolo sa akin,” aniya pa.
Promise naman niya sa madlang pipol, “Kaya umasa po kayo na si Big Papa Dante hindi po magbabago kahit ano pong mangyari.”
Sabi pa ni Dante kay Luis habang lumuluha, “Sobrang saya lang po, dahil dininig ng Panginoon ‘yung mga gusto kong mangyari sa buhay ko, ang pangalawang pagkakataon na maayos ko ang pamilya ko.”