LASING umano si Migo Adecer nang masangkot ito sa aksidente kagabi sa isang lugar sa Makati City.
Ito ang sinabi ni Makati City Chief of Police P/Col. Roger Simon sa panayam ng Unang Hirit kanina, ito’y base na rin daw sa kanyang nasaksihan habang kinakausap ng mga arresting officer ang binata.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, tinangka raw takasan ng aktor ang nabangga niyang dalawang empleyado ng MMDA kagabi sa J.P. Rizal Street, Makati. Ngunit mariing sinabi ni Migo na hindi niya alam na may nasagasaan siya dahil kung meron man daw, siguradong bababa siya at tutulungan niya ang mga ito.
Pinanindigan naman ni Col. Simon na lasing ang aktor nang mangyari ang insidente, “Nandoon ako mismo so talagang halatang-halata mong lango siya sa alak dahil kinakausap namin, wala sa sarili, nagsisigaw-sigaw.
“Sinalubong namin siya, kumbaga, inipit namin ang kanyang sasakyan doon sa harapan kaya hindi na siya makaabante.
“Inatras niya ngayon yung kanyang sasakyan at nabangga nga niya itong isang nakaharang na sasakyan sa likod, na itong mobile car nga namin,” sabi pa ng PNP official.
Ayon pa sa opisyal, bago pa raw maganap ang aksidente, nahuli at natikitan na rin si Migo sa Rockwell area dahil sa reckless driving.
“Nabigyan siya ng traffic violation receipt at itong OVR (ordinance violation receipt) ay kanyang talagang kinrample yung papel at itinapon at tinakbuhan din niya.
“So, yung kanyang license na isinurender, naiwan du’n sa naniket sa kanya. So, tinakbuhan niya uli yun, umalis siya, then dumaan siya dito along Poblacion at doon nga niya nasagi itong dalawang mga nakaangkas ng motor,” kuwento pa ng PNP official.
Pinapa-check na rin nila ang dalawang driver’s license na isinurender ni Adecer sa mga arresting officer dahil magkaiba raw ang year of birth na nasa lisensiya ni Migo.
Depensa naman ng abogado ni Migo na si Atty. Marie Glen Abraham-Garduque, original license ang ipinakita ng binata sa mga otoridad, “I will try to interview him more to ask him with respect to that allegation of the fake license.
“Ang initial statement niya sa akin is hindi niya daw alam na meron siyang na-sideswipe.
“Otherwise, nasabi niya sa akin, kung alam niya na merong nasanggi, he would stop. Para sa kanya, willing siyang tulungan yung mga victim with respect dun sa medical expenses.
“Kasi, para sa kanya, aksidente naman talaga yung nangyari,” ayon pa sa legal counsel ng Kapuso actor.
Sinampahan na ng reckless imprudence resulting to serious physical injuries and damage to government property at disobedience to person in authority ang aktor sa Makati City Police.
Magdamag na nagpalipas ng gabi si Migo sa presinto at ngayong araw nga nakatakda ang inquest proceeding laban sa kanya.