Mark sa break up nila ni Winwyn: Sobrang stressful na yung nangyayari sa amin

MARK HERRAS AT WINWYN MARQUEZ

HINDI pa handa si Mark Herras na “bumihag” o muling “ipabihag” ang kanyang puso matapos ang break up nila ng Kapuso beauty queen-actress na si Winwyn Marquez.

“Sa trabaho muna ako papabihag!” deklarasyon ni Mark sa ginanap na presscon the other night para sa bagong GMA afternoon drama series na Bihag.

Sa interview namin sa kanya kasama ang ilan pang entertainment writers, sinabi ng aktor na wala talagang third party involved sa break up nila ni Winwyn.

“It’s something else. Papunta na ng four months, medyo matagal na rin kaming hiwalay.

“Basta walang na-involved na ibang babae. Dumating lang kami sa point na hindi na nagiging healthy ang relationship namin,” rason ni Mark.

“Sobrang stressful na ang nangyayari sa aming dalawa. Minsan, parang maliit na dahilan na lang, nagtatalo na kami,” pag-amin pa ng binata.

“Hindi ko sinasabing nag-aaway kami palagi, pero dumating sa point ng relationship namin na parang, ‘Oy, teka, hindi na healthy itong nangyayari. Hindi na nakakatulong.’

“Nai-stress siya, nai-stress ako. So, ang nangyayari, sa amin nagre-reflect,” lahad pa niya.

“Pero this is the first relationship na naghiwalay kami nang maayos. Nag-uusap. Hindi ko iniisip na good break up pero hindi ko rin iniisip na bad break up,” paliwanag ni Mark.

Saad pa ng Kapuso actor, gusto muna nila ni Winwyn na i-maximize ang mga trabahong dumarating sa kanila.

“Being single ngayon, hindi ko muna target ang magkaroon ng relationship ngayon. Trabaho muna ako.”

Sa seryeng Bihag, nilinaw ng creative team na hindi support ang role ni Mark dahil meron silang back story ng bidang si Max Collins.

Magsisimula na ang Bihag ngayong Lunes sa GMA Afternoon Prime kapalit ng My Special Tatay.

 

Read more...