Go, go, go…Go for Gold

MALAKI ang pasasalamat ng mga atletang Pinoy kay Jeremy Go at ng kanyang mga kasama sa Powerball.
Si Jeremy Go ang VP ng marketing ng Powerball at utak ng matagumpay na sports program ng Go for Gold.
Nagbibigay ng tulong-pinansyal ang Go for Gold sa mga atletang may mga potensyal na manalo sa international tournament at hindi naman masamang sabihin na may kakayahang makarating sa Olympics.
Malay n’yo, maaaring mula sa mga atleta ng Go for Gold manggaling ang unang Pinoy o Pinay na mag-uuwi ng medalyang ginto sa Olympics.
Ang ginagawa ng Go for Gold ay isang magandang halimbawa ng pakikiisa ng pribadong sektor sa pamahalaan upang bigyan ng tsansang lumaban at pag-asang manalo ang mga atleta.
Naniniwala si Go na ‘‘winning formula’’ ang ugnayan ng Go for Gold sa gobyerno at ganoon din naman kung pag-uusapan ang Powerball at relasyon nito sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
‘‘We believe in working together with the government. We understand that the country’s sports budget isn’t as high when compared with our neighboring countries. The government has different priorities as well. Working together with the governement is a winning formula for us,’’ sabi ni Go na naging bisita sa sikat na Usapang Sports ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) noong nakaraang Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Ang maganda nito, hindi panandalian ang pagtulong ng Go for Gold sa sports.
Ayon kay Go , pangmatagalan ang ‘‘commitment’’ ng Go for Gold at ito ay magandang balita para sa mga atleta.
Alam n’yo bang nagsimula lang pumasok ang Go for Gold sa eksena tatlong taon na ang nakararaan nang sumuporta ito sa cycling at triathlon (isang triathlete si Go).
Sa kasalukuyan ay tumutulong na rin ang Go for Gold sa chess, skateboarding, canoe at kayak, dragonboat, sepak takraw at marami pang iba.
Ang maganda sa pagtulong ng Go for Gold sa mga atleta ay dumadausdos ito sa mga pamilya ng mga atleta.
At kung susuriin, ito ay may positibong epekto sa komunidad sapagkat umaangat ang buhay ng mga pamilya ng mga atletang nasa ilalim ng Go for Gold. Tinukoy ni Go ang mga pagbabagong nagaganap sa buhay ng pamilya ni cyclist Ismael Gorospe Jr. na nag-umpisa bilang batang siklista mula Nueva Ecija.
Dahil sa tulong ng Go for Gold at sa pagsisikap ni Gorospe sa cycling ay unti-unti nang nagtatayo ng maliit na negosyo ang mga magulang ni Gorospe sa kanilang bayan.
Si Gorospe ay isa sa pinakamahusay na siklista sa Ronda Pilipinas.
Kasama ni Go sa Usapang Sports si Asian youth chess champion at International Master Marvin Miciano na dumating kasama ang kanyang mga magulang na sina Ma. Teresa at Juanito.
Tunay na hindi maliligaw ng landas ang isang bata kung gagabayan at makikinig ito sa mga payo ng magulang.
Lubos ang pasasalamat ng pinakabatang IM ng bansa sa Go for Gold sa suportang ibinibigay nito at bakas sa pamilya ang katuwaan matapos makadaupang-palad sa unang pagkakataon si Jeremy.
Suportado rin ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni chairman Butch Ramirez at ng Pagcor ang batang Miciano na nakatakdang lumahok sa Fide Asian Zone 3.3 championship sa Ulaanbaatar, Mongolia ngayong Abril.
Sa totoo lang, hindi ang mga Miciano ang natuwa. Dahil nasa puso ang pagtulong ay halata rin ang katuwaan ni Jeremy sapagkat hindi nasasayang ang tulong ng Go for Gold sa mga nangangailangang atleta.

PTT Lubricants panalo

Humakot ng sangkaterbang miron ang booth ng PTT Philippines sa 13th Annual Bike Festival & Trade Show na ginanap sa World Trade Center sa Pasay City. Ika nga ay dinumog ng tao ang booth ng PTT.
Pinagmalaki ng nangungunang kompanya ng Thailand ang PTT Lubricants na numerong brand ng engine oil.
Nakita ng mga tagasubaybay ng mga bisikleta at motorsiklo ang lawak ng matataas na kalidad na produkto ng PTT. Nagbigay pa ng mga freebies ang PTT na dagdag sa kasiyahan ng mga miron.
Bumisita sa venue at nakasalamuha ng mga tagasubaybay ng top guns ng PTT Philippines ang mga interesadong tao. Pinangunahan ni PTT Philippines & Chief Executive Officer Sukanya Seriyothin ang mga matataas na opisyal na dumalaw sa World Trade Center na sina Marketing Director Thitiroj Rergsumran, Director for Fuel and Lubricants Vittaya Viboonterawud at PTT Thailand’s International Commercial Department Area Manager Nopphapadol Prajamthaen.
Ang maganda sa PTT ay hindi lang ‘‘profit’’ ang iniisip kundi solido ang programa (social responsibility) nito upang makatulong sa ikauunlad ng Pilipinas.
Mabuhay ang PTT Philippines!

Read more...