PITO pang hinihinalang bloke ng cocaine ang natagpuang lumulutang sa baahagi ng dagat na sakop ng Catanduanes, Lunes ng hapon.
Natagpuan ng mga mangingisdang sina Marcel Benosa, Danilo Villasana, at Tirso Bandola ang mga bloke malapit sa bayan ng Bagamanoc, dakong ala-1, sabi ni Col. Paul Abay, direktor ng Catanduanes provincial police.
Pawang mga nakapaloob sa itim na lambat at may markang dollar sign ang mga bloke, ani Abay.
Umabot sa 8.635 kilo, o halagang P43.175 milyon, ang hinihinalang cocaine, sabi ng isang ulat sa radyo, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency-Bicol.
Matatandaang nitong unang bahagi ng buwan ay nakatagpo rin ng bloke ng cocaine sa bahagi ng dagat na malapit sa bayan ng Baras.
Bago ito’y nakatagpo pa ng bdose-dosenang cocaine blocks, na halos P900 milyon ang halaga, sa mga baybayi’t katubigan ng Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Davao Oriental, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, at Aurora.
Dati nang inihayag ng PNP na maaaring sa Australia ide-deliver ang mga natatagpuang cocaine sa karagatan dahil hindi masyadong mabili ang ganoong droga sa Pilipinas.