NALUGI ng P4 milyon ang mga ospital ng gobyerno dahil sa pagkawala ng suplay ng tubig.
Kaya dapat umanong bayaran ng Manila Water ang nawalang kita, ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin.
“Nauubusan na ng pasensya ang taumbayan. Dapat ibalik ng Manila Water sa normal ang tubig sa Metro Manila, at ang malaking perang nawala dahil sa kapalpakan nila,” ani Villarin.
Ayon sa Department of Health anim na ospital ang nabawasan ng P4.116 milyon kita dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig mula Marso 8-18. Ito ang Rizal Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, National Kidney and Transplant Institute, National Center for Mental Health, East Avenue Medical Center at Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Dahil walang tubig, binawasan ng mga ospital ang bilang ng mga pasyente na kanilang tinatanggap.
“Muntik nang maging krisis sa kalusugan at kabuhayan ang krisis sa tubig dahil nagpabaya ang Manila Water. Maraming pasyente ang tinanggihan ng mga health center, maraming negosyo ang naapektuhan, at maraming pamilya ang nagtitiis pa rin sa maruming tubig na delikadong gamitin,” dagdag pa ng solon.