NAKIPAGCHIKAHAN kamakailan si Sen. JV Ejercito sa members ng entertainment press at dito nga niya naibalita ang tungkol sa pagkikita nila ng kanyang amang si Mayor Joseph Estrada.
Nilinaw din niya ang balita na nagkabati na sila ng kanyang kapatid na si Jinggoy Estrada na tumatakbo ring senador ngayong midterm elections. Hindi pa raw sila nagkakausap ni Jinggoy pero umaasa siya na very soon ay maaayos din ang lahat.
Kuwento ni JV tungkol sa nakatampuhan niyang ama, “Okay-okay na kami. Nagkita na kami. Matagal din kaming nag-usap kasi nga noong una hindi ako pabor na dalawa kaming (ni Jinggoy) pinayagan na tumakbo.
“Kasi ‘yung chances of winning ko, naapektuhan. Kasi, nanghihinayang din naman ako. Sabi ko, ang ganda naman ng performance ko, sana lang pinatapos muna (yung term ko). Kaya lang nandiyan na yan, e,” pahayag pa ng senador.
Inamin din niya na malaki ang epekto na magkapatid silang tumatakbo sa senatorial race at patunay dito ang medyo pagbaba ng rating niya sa latest survey, “Kaya I must admit, medyo challenging ang sitwasyon ko ngayon.”
“Kaya good luck na lamang sa aming dalawa,” dagdag pa ng anak ni Mayor Erap kay San Juan Mayor Guia Gomez.
Pero ipinagdiinan ni JV na kahit nagkatampuhan sila ng ama, napakataas pa rin ng respeto niya rito, “I owe a lot to him, ang buhay ko, kung nasaan ako ngayon, di ba? So, siyempre nasaktan ako nu’ng ano, hindi naman mawawala ‘yun, e. Politika lang ito.”
Tsaka matanda na rin daw ang tatay niya, “Siyempre pag ganu’ng age, gusto mo nang i-maximize, you’ll spend more time with your parents, kasi hindi mo alam kung hanggang kailan, e. Kaya nga happy ako na finally, at least, nagkausap na kami, and it’s a good start.”
Samantala, masaya ring ibinalita sa entertainment media and bloggers ng senador na aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Health Care na matagal na niyang isinusulong.