SUPER fan ako dati ng youth-oriented show na Tabing Ilog sa ABS-CBN. And how time flies talaga dahil 20 years ago na pala noong umere ang finale episode ng programa.
Talagang every Sunday ng hapon ay inaabangan ko ang Tabing Ilog, at ang mga favorite characters ko sa weekly drama series ng Dos ay sina Eds at Rovic na ginagampanan nina Kaye Abad at John Lloyd Cruz. Hindi talaga kumpleto ang Linggo ko kung hindi ko sila napapanood sa TI.
Kaya isa kami sa mga Tabing Ilog fans na nagre-request sa ABS-CBN na gawan na ng remake ang show.
Kamakailan, sa presscon ng bagong Kapamilya daytime series na Nang Ngumiti Ang Langit kung saan bibida uli si Kaye, natanong siya kung sino ang gusto niyang gumanap na Eds kung sakaling magkakaroon ng bagong version ang Tabing Ilog.
“Maraming pwedeng gumanap kasi ang daming magagaling na artista na ngayon na bago. But siguro kung puwede sana ‘yung grupo na magkakabarkada talaga.
“Importante kasi ‘yung bonding ng magkakaibigan para lumabas na natural on screen na magkaka-barkada talaga sila so kahit sino siguro,” sagot ng aktres na nagbabalik-serye makalipas ang ilang taong pamamahinga sa showbiz.
Ayon kay Kaye, gusto niyang gampanan uli ang karakter ni Eds, “Lagi ko kayang sinasabi na bakit hindi i-reunion, na kahit isang episode lang? Sabi ko nga kahit MMK special na Tabing Ilog na episode, kung ano na ‘yung buhay nila ngayon na bilang lahat kami may anak na.
“Ito ‘yung nangyari sa buhay nina Eds, Rovic, George (Jodi Sta. Maria) Fonzy (Baron Geisler), lahat. Kung sino na ang nagkaanak, kung nagkatuluyan ba itong mga characters na ‘to. Parang masaya lang siyang mapanood kahit one episode lang, kahit special lang, kahit Sunday’s Best,” pahayag ni Kaye.
Sa pagkakaalam namin, muling mapapanood ang Tabing Ilog very soon sa iWant.
Samantala, may payo naman si Kaye sa mga kabataang artista ngayon, “Huwag magmadali. Be patient. Hindi pwedeng kapag nagsimula ka bida ka kaagad. Di pwedeng ‘pag nagsimula ka makikilala ka kaagad. Di pwedeng pa-diva sa set. You always have to be on time, you have to be professional, you have to love your job.”