HANGGANG ngayon ay pinagpipistahan pa rin sa maraming umpukang-showbiz ang nakapanghihinayang na naganap sa karera ng isang dating sumikat na female personality.
Parang pag-aari kasi ng babaeng ito ang mundo nu’ng kasagsagan ng kanyang kasikatan. Walang habas kung manglatigo ang kanyang dila, wala siyang sinasanto, lahat ng mga kumokontra sa kanya ay inuupakan niya.
Kuwento ng aming source, “Ibang klase nu’n ang babaeng ‘yun! Kahit mga kadugo niya, e, hindi niya sinasanto, kapag gusto niyang talakan ang mismong ina niya, walang makapipigil sa kanya!
“Nu’ng minsang may magdala ng kanyang script sa bahay nila, e, naaktuhan nu’ng maydala ng script kung paano niya lait-laitin ang isang kapatid niya!
“Napakabastos ng bibig niya, naturingang mas nakababata siya sa kausap niya, pero rock na rock ang bibig niya! Sabi ni female personality sa mismong kapatid niya, ‘Bakit, ako ba ang kuman*** sa asawa mo para sa akin kayo humingi ng pambili ng gatas ng anak n’yo?’
“Napaurong ang lalaking maydala ng script, hindi niya ma-take ang narinig niya, ganu’n daw pala kabastos offcam ang bibig ng aktres na ipinagdala niya ng script!
“Ganu’n siya kayabang, ganu’n siya kataas, kayang-kaya niyang sabihan ng nanay niya ng linyang, ‘O, nandito na naman kayo, wala na siguro kayong malamon, ‘no! Kainin n’yo ang mga daliri n’yo!’
“Walang utang na loob ang babaeng ‘yun! Walang halaga ang pamilya sa kanya, nasa top of the world kasi siya nu’n, madatung, sikat at hinahabol ng mga kalalakihan!” simulang kuwento ng aming source.
Pero wala ngang forever, lahat ay may katapusan, biglang nangulimlim ang karera ng female personality. Siya na ang nagdarahop ngayon.
“Kabaligtaran na nu’n ang sitwasyon niya ngayon, talagang tinikis siya ng kapalaran dahil sa pagiging maangas niya nu’ng sikat pa siya.
“Siya ngayon ang naghahanap ng raket, kung sinu-sino ang kinakalampag niya para lang makahanap siya ng trabaho. Nalusaw na ang lahat ng mga naipundar niya, kapos na kapos na siya ngayon.
“Magyabang ba naman siya nang walang patumangga, hindi ba naman siya marunong lumingon sa pinanggalingan niya, e, ganyan talaga ang kapalarang naghihintay sa kanya!” madiing pagtatapos ng aming impormante.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kailangan pa bang i-memorize kung sino ang hitad at mayabang na female personality na ito?