NAGBABALIK si Keempee de Leon sa ABS-CBN after 16 years. Kabilang siya sa newest daytime series na Nang Ngumiti Ang Langit.
Inamin ni Keempee na nag-adjust siya sa kanyang pagbabalik sa ABS-CBN. Matagal na raw kasi nu’ng huli siyang umakting for a drama show.
“Last show ko ‘yung Meant To Be sa GMA. Comedy romcom kasi ‘yun tapos may ginawa pa ako with Gladys (Reyes) noon, with Ms. Nora Aunor. Itong Nang Ngumiti Ang Langit medyo serious kaya ‘yung acting skills mo kailangang magamit. So, thankful kami kay Direk FM (Reyes) kasi talagang gina-guide niya ang bawat isa. Sabi niya, lahat tayo tulungan,” pahayag ni Keempee.
Umaasa siya na makakapag-guest din siya sa iba pang drama programs ng Kapamilya Network gaya ng Ipaglaban Mo at Maalaala Mo Kaya. Pero sinabi naman sa kanya na marami pa siyang gagawin sa paglipat niya sa ABS-CBN.
Pero ‘di pa man siya napapanood sa Nang Ngumiti Ang Langit ay ang lakas na agad ng impact niya sa audience when he appeared sa “Kapare-Who” segment ng It’s Showtime recently.
Hindi lang ang audience ang nagulat sa pag-reveal ni Keempee sa sarili when he was chosen by a lady contestant on that segment. Maging ang mga host ng Showtime ay ‘di makapaniwala na umapir siya sa show.
Knows naman kasi ng lahat na ang daddy niyang si Joey de Leon ay main host ng katapat na programa ng Showtime, ang Eat Bulaga. Tinanong namin si Kimpoy kung nagkausap ba sila ng host ng Showtime na si Vice Ganda sa backstage.
“Oo. Nakakatuwa naman. Sinisilip-silip niya ako. Tapos sabi niya, ‘Alam mo nakakatuwa na nandito ka.’
Ako nga talaga, hindi rin makapaniwala, e. Si Jugs, si Teddy, nag-online pa kami after, e. ‘Grabee, ikaw pala ‘yun! Nandito ka?!’ Tapos niyugyug nila ako. Sabi ko, ‘Oo, nandito ako.’ Nakakatuwa ‘yung reaksyon nila,” kuwento ng aktor.
Posible kaya na umapir din siya sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin?
“Supposedly, oo. Hindi ko inayawan, ha. Nalaman ni Tita Dagang, ‘yung program manager, na may bago akong show. So, mahihirapan sa schedule. Sabi ko, pwede ko namang lagariin.’ E, sabi niya, alanganin sa schedule.”
M-W-F daw ang schedule ng taping ng Probinsyano while T-TH-S naman sila sa Nang Ngumiti Ang Langit, “Sabi ko, kaya naman pero mahihirapan daw kasi minsan may everyday. So, sabi nila, next character na lang kasi meron pa naman. Baka may Book 2.”
Gustung-gusto raw niyang makatrabaho si Coco. Never pa kasi silang nagkasama sa trabaho. Wishing din siya na makatrabaho ang mga artistang nakasama niya noon sa action movies ng Viva Films.
“Oo, nakakatuwa kasi nu’ng lumipat ako dito, nandiyan si Raymart (Santiago), si Joko (Diaz). Sabi ko nga kay Joko nu’ng makita ko siya sa Probinsyano, ‘Jok, sana magkaroon tayo nina Raymart ulit ‘no?’ Si Kier (Legaspi), ‘di ba active na uli?” lahad niya.
Anyway, ang role ni Keempee sa Nang Ngumiti Ang Langit ay si Benjie na driver ni Pilar Pilapil at mister ni Matet de Leon. Kumusta si Matet bilang partner niya sa serye?
“Okey naman, makulit. Parang kasama ko si Ian (de Leon), pero babaeng version. Kaya madali kaming nag-click, e,” sagot ng aktor.
Ang Nang Ngumiti Ang Langit ay isa na namang hindi malilimutang kuwento na handog sa manonood ng produksyon ni Ruel S. Bayani.
Kasama rin dito sina RK Bagatsing, Cristine Reyes, Kaye Abad, Enzo Pineda at ang mga Kapamilya child stars na sina Heart Ramos, Miguel Vergara, Krystall Mejes at ang pinakabagong batang magpapangiti sa mga puso ng manonood na si Sophia Reola na gaganap bilang si Mimkik.
Magsisimula ang na Nang Ngumiti Ang Langit ngayong Lunes, Marso 25 bago mag-Showtime.
Inamin din pala ni Keempee de Leon na hindi niya ipinaalam sa amang si Joey ang guesting niya sa Showtime.
“Honestly, hindi,” sagot ni Kimpoy. Nagpaalam daw siya sa kanyang manager na si Malou Choa-Fagar, at producer ding ng Eat Bulaga. Hindi raw siya pinayagan na mag-guest sa Showtime, “Pero in a way, ipinaglaban ko. Sinabi ko na hindi porke’t maggi-guest ako, e, tatapatan ko sila o nagrebelde. Ako naman, about professionalism. Ito ay trabaho ko.”
Ipinagdiinan pa niya na kahit anong mangyari, nirerespeto niya ang kanyang ama at ang lahat ng taga-Eat Bulaga.