ANG mga Amerikano pa rin ang dayuhan na pinaka-pinagkakatiwalaan ng mga Filipino ayon sa survey ng Social Weather Stations.
Sa survey noong Disyembre 16-19, sinabi ng 60 porsyento na net trust rating na nakuha ng Estados Unidos (71 porsyentong tiwala, 17 porsyentong undecided at 11 porsyentong maliit o walang tiwala).
Sumunod naman ang Japan na may 34 porsyentong net rating (53 porsyentong tiwala, 27 undecided at 19 porsyentong maliit o walang tiwala).
Ang Australia naman ay nakakuha ng net rating na 31 porsyento (49 porsyentong may tiwala, 30 undecided at 19 porsyentong maliit o walang tiwala).
Nanatili namang negatibo ang net trust rating ng mga Filipino sa China. Nakakuha ito ng -7 porsyento (31 porsyentong may tiwala, 29 porsyentong undecided at 39 porsyentong maliit o walang tiwala), na mas mataas kumpara sa -16 porsyento na naitala nito sa survey noong Setyembre.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,440 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 2.6 porsyento.