‘May K nga bang mag-emote si Claudine kay Rico Yan?’


MATAGAL nang naninirahan sa Bacolod City ang aming kasamahan sa panulat at anak-anakang si Chan-Chan Torres. Nagdesisyon siyang samahan na ang kanyang ina nang pumanaw ang mahal niyang lola.

Pero ang pagmamahal ni Chan-Chan sa panulat ay hindi niya kinalilimutan, food blogger siya ngayon sa Bacolod, at hindi siya bumitiw sa mga nagaganap sa showbiz.

Tinututukan niya pa rin ang Wowowin, mahal ni Chan-Chan si Willie Revillame, isa sa mga sikat na personalidad na naging mabuti sa kanya nu’ng aktibo pa siya sa pagiging reporter.

Hindi rin niya pinalalampas ang “Cristy Fer Minute” (Cignal Channel 6, 92.3 News FM), aliw na aliw siya sa mga kakuwanan ni Wendell Alvarez, ang CFM din ang paraan para hindi siya nagpapahuli sa mga kuwentong-showbiz.

Nu’ng isang umaga ay nag-text sa amin si Chan-Chan, nabasa niya kasi ang post ni Claudine Barretto nang magdiwang ng kaarawan si Rico Yan na labimpitong taon nang pumapanaw.

Sinabi ni Claudine na si Rico pa rin ang nasa kanyang puso, hindi nito malilimutan ang kanyang dating karelasyon, napanganga si Chan-Chan sa kanyang nabasa.

Magkakasama kasi kami nu’ng nakaburol sa La Salle chapel ang aktor, nagpipilit na makapasok si Claudine, pero hindi pumayag ang pamilya ni Rico.

Kasi nga ay sila na nu’n ni Raymart Santiago, nasa Subic sila nu’n ng action star sa bahay ng kanyang mga magulang nang malaman ng aktres ang pagkamatay ni Rico, kaya nagalit sa kanya ang pamilya ng aktor.

Oo nga naman. May dahilan para magulantang si Chan-Chan Torres sa post ni Claudine Barretto.

Read more...