GINANAP nitong Sabado ng gabi ang 2019 FIBA Basketball World Cup draw sa Shenzhen Cultural Center sa Shenzhen, China at nalaman na natin kung saang grupo napunta ang Pilipinas.
Nalagay ang Pilipinas sa Group D kung saan nakasama nito ang world No. 4 at European powerhouse Serbia, Italy at Angola.
Gaganapin nga pala ang 2019 FIBA World Cup sa China sa Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
Ang mga laro sa Group D ay isasagawa sa Foshan International Sports and Cultural Center sa Foshan, China.
Siguradong mapapalaban ang Pinas sa kanilang grupo dahil bigatin ang mga makakatunggali natin.
Nangunguna na rito ang Serbia na naging finalist sa 2014 FIBA World Cup at ranked No. 4 sa buong mundo. Ang mga Serbians din ang paboritong manguna sa Group D.
Ang Serbia ay naging two-time champion na sa FIBA World Cup kung saan nakapaglaro na ito ng limang beses. Naging three-time champion din ang Serbia sa EuroBasket.
Kabilang sa mga manlalaro ng Serbia na inaasahang maglalaro sa World Cup ay ang mga NBA players na sina Denver Nuggets All-Star center Nikola Jokic, Bogdan Bogdanovic at Nemanja Bjelica ng Sacramento Kings, Boban Marjanovic ng Philadelphia 76ers at Milos Teodosic na naglaro sa Los Angeles Clippers.
Ang Italy, na ranked No. 13 sa mundo at naging two-time EuroBasket champion, ay inaasahang ipaparada naman sa World Cup ang mga NBA players na sina Marco Belinelli ng San Antonio Spurs at Danilo Gallinari ng Los Angeles Clippers.
Nakapaglaro na rin ang Italy sa FIBA World Cup ng siyam na beses.
Ang Pilipinas nga pala ay kasalukuyang ranked No. 31 sa mundo at angat lamang tayo ng walong puntos sa No. 39 ranked Angola pero hindi natin sila puwedeng balewalain.
Hindi kasi pipitsuging bansa sa larangan ng basketball ang Angola dahil sila ay naging 11-time AfroBasket champion at nakapaglaro na rin sila sa FIBA World Cup ng pitong beses.
Ang host China nga pala ay nasa Group A kasama ang Ivory Coast, Poland at Venezuela habang magkakasama naman ang Russia, Argentina, South Korea at Nigeria sa Group B.
Ang Group C ay binubuo naman ng 2014 FIBA World Cup host Spain, Iran, Puerto Rico at Tunisia.
Ang defending champion USA ay kasama naman ang Japan, Turkey at Czech Republic sa Group E habang ang Greece, New Zealand, Brazil at Montenegro ang bumubuo sa Group F.
Ang Group G ay kinabibilangan ng Dominican Republic, France, Germany at Jordan habang ang Group H ay binubuo ng Canada, Senegal, Lithuania at Australia.
Ang top two teams sa bawat grupo ang uusad sa second round kung saan walong koponan naman ang aabante sa quarterfinals.
Susundan ito ng semifinals at finals na gaganapin sa Beijing.