NATUPAD na rin ang matagal nang pangarap ng award-winning comedy actor na si Michael V: ito ang makapagdirek at makapagbida sa isang pelikula kasama si Dawn Zulueta.
Nagsimula na ang shooting ng pelikula nilang “Family History” na siya ang magdidirek, bibida at magpo-produce with his own production Mic Test Entertainment kasama ang GMA Pictures.
Sa presscon ng pelikula kamakailan, ikinumpara ni Bitoy sa Pepito Manaloto ang workflow ng “Family History,” kung saan hindi lang siya artista, kundi creative director din, producer at scriptwriter.
“May advantage din for me as an actor, para sa ibang artista, kasi alam ko ‘yung kakailanganin nila for the shoot. And pati sa production which is matagal na naming ginagawa ang Pepito Manaloto, du’n namin pinagbasehan ang workflow namin, na kung magagawa ito sa isang TV show, kayang gawin sa pelikula,” paliwanag ng Kapuso comedian after ng contract signing para sa partnership ng Mic Test Entertainment at GMA Pictures.
“So being in full control, binigyan ako ng pagkakataon na mailagay ‘yung stamp ko dito na, ito ‘yung magiging business card ko. Kumbaga kung gagawa ako ng future projects, at least sana ganito ‘yung set up, ganito ‘yung paraan, ganito ‘yung mga pagmi-meet ng requirements,” dagdag pa ni Bitoy.
Pagpapatuloy pa ng komedyante, “Even before sumalang ako as director dito sa project na ito, ang dami ko nang natutunan eh, na parang, ang kulang na lang is for me to apply it, application na lang ang kulang.
“And kating-kati na nga ako na gawin eh, at ma-prove na, ito kayang mga theory na ito ay magwo-work sa actual na environment na paggawa ng pelikula? And for the past two shooting days na ginawa namin, I would say na oo!
“Nagwo-work, and sana maging standard na hindi lang sa pelikula gagawin ng GMA Pictures and Mic Test Entertainment, kundi pati na rin sa buong industriya. Sana maging ito na ang standard,” aniya pa.
Pero paglilinaw niya, “Hindi ko naman sinasabing the best itong standard na ginagawa namin, but it’s a standard na magandang gawing pattern para sa lahat ng paggawa ng pelikula.”
Dito na sinabi ni Michael V na kung magtatagumpay sa takilya ang “Family History,”isusunod nila ang movie version ng Pepito Manaloto na patuloy pa ring humahataw sa ratings game.
“Actually if ‘Family History’ works, may plano kami na gawan naman ng movie version ang Pepito Manaloto. If this works. Kaya sana. Ngayon pa lang, marami nang sumusuporta, marami nang nag-e-express ng kanilang pagkagusto doon sa project, pagka-excite doon sa proyekto. And I would say na ‘yung puso ko nasa into talaga. Maraming salamat! Ginagawa ko ito para sa inyo,” sabi pa ni Bitoy.
Bukod sa leading lady niyang si Dawn, makakasama rin sa “Family History” sina John Estrada, Paolo Contis, Bianca Umali, Miguel Tanfelix, Nonie Buencamino at Kakai Bautista.
Kasama namang pumirma ni Michael V ng kontrata para sa nasabing proyekto sina GMA President and COO Gilberto Duavit, GMA Executive Vice President and CFO Felipe Yalong, asawa at manager ni Bitoy na si Carol Bunagan at ilang executives ng Mic Test Entertainment.