SANGKOT sa isyu ng narco politics ang kasalukuyang boyfriend ni Aiko Melendez, si Mayor Jay Khonghun, ng Subic. Nakasama ang pangalan nito sa unang bugso ng listahan na pinalabas ng DILG, marami pa raw susunod, kinukumpirma pa lang ang pagkakasangkot ng mga ito sa usapin ng droga.
Kapag sinabing narco politician ang isang lingkod-bayan, ang ibig sabihi’y nagbibigay ito ng proteksiyon sa mga tulak ng droga, suporta na ayon sa mga otoridad ay may katapat na malaking halaga.
Pero pinasinungalingan na ni Mayor Jay ang akusasyon, hindi raw ito kailanman matatawag na narco politician, dahil wala itong ikinakanlong na tulak ng droga sa kanyang nasasakupan.
Ikalawang mayor na nakarelasyon ni Aiko si Mayor Khonghun, si Mayor Patrick Meneses ang una, kahit pa may mga nagsasabing ikatlo na dahil nagkaroon din sila nu’n ng relasyon ni Mayor Herbert Bautista.
Sabi ng isang source, “Hindi puwedeng idenay ni Aiko ang past relationship nila ni Mayor Bistek, maraming nakakaalam nu’n, hindi lang nagtagal ang relasyon nila.”
Malaking problema para sa mga pulitiko ang matawag silang narco politician, makaaapekto ‘yun sa kanilang kandidatura, kukuwestiyunin ng kanilang mga kalaban at botante ang kanilang integridad.