SA paggunita ng Women’s Month, samu’t sari pa rin ang problemang kinakaharap ng mga kababaihan, partikular ang kalagayan nila sa mga pabrika na dapat aksyunan ng ating gobyerno.
Base sa datos ng gobyerno, pito sa 10 kababaihan o 71 porsiyento ay nagtatrabaho sa service sector, kung saan 10 porsiyento sa kanila ay nasa mga pabrika.
Base rin sa datos, ang average salary kada araw ng mga babaeng nagtatrabaho sa mga pabrika ay umaabot lamang sa P337, na napakalayo sa minimum wage na itinatadhana ng batas.
Kaya nga nagpahayag ng kanyang pagkadismaya si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa patuloy na nararanasang exploitation ng mga manggagawa partikular na ang mga kababaihan sa kamay ng mga employers.
Isa sa mga isinusulong ni Imee ay ang paglaban sa kontraktwalisasyon na matagal nang iginigiit ng sektor ng paggawa.
Dahil din sa kontraktwalisasyon sa mga pabrika, napagkakaitan din ang mga babaeng manggagawa ng iba pang benepisyo kagaya ng sick leave, vacation leave, kawalan ng SSS, overtime pay, night differential, holiday pay.
Bukod pa rito ang hindi maayos na kondisyon ng kanilang pinapasukan.
Idinagdag ni Imee na dapat ay magkaroon ng mas labor-friendly na mga pagawaan. May mga pabrika kasi na hanggang ngayon ay common ang comfort room.
Dahil sa pagiging contractual, sinabi ni Imee na wala ring maternity leave na makukuha ang mga babaeng manggagawa kahit gaano na sila katagal sa trabaho.
Sana nga ay maisulong ni Imee ang mga batas na siyang magtutulak para lalong maproteksyunan ang mga kababaihan sa sektor ng paggawa.
Dapat ay makita rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga paglabag na ginagawa ng mga negosyante at aksyunan ang mga ito.
Magsagawa dapat ang DOLE ng inspeksyon sa mga pagawaan sa buong Metro Manila at tiyak na makikita nila ang ginagawang paglabag ng mga may-ari ng pagawaan.
Bukod pa rito, idinagdag ni Imee na sa palibot ng mga mall, hindi rin minimum ang sahod na tinatanggap ng mga service crew na nagtatrabaho sa mga tindahan o kiosk.
Lumalabas na parang pakyawan din sa mga pabrika ang sahod ng mga babaeng service crew dahil sa kalimitan ay walang benepisyong natatanggap ang mga ito bukod pa sa P450.00 lamang kada araw ang sahod imbes na P537.00.
Sinabi pa ni Imee na ngayong malapit na naman ang Labor Day, dapat ay umaksyon ang DOLE sa mga paglabag ng mga negosyante sa karapatan ng mga babaeng empleyado.
Hindi na dapat hintayin ng DOLE na magpiket ang mga kababaihang manggagawa sa harap ng opisina nito para gawin ang trabaho nito.