Angelica tinawag na laspag, umalma: Kababae mong tao, babae rin ang binabastos mo!


INALMAHAN ni Angelica Panganiban ang pagtawag sa kanya ng “laspag” ng ilang bashers matapos isa-isahin ng mga ito ang naging boyfriend niya sa showbiz.

Nakita ng Kapamilya actress ang screenshot ng isang group chat kung saan inokray-okray nga siya patungkol sa kanyang past relationships. Binanggit pa ang mga naging dyowa niya noon kabilang na sina Derek Ramsay, John Lloyd Cruz at Carlo Aquino.

Dito nga nila tinawag na “laspag” si Angelica at hindi niya ito pinalagpas, talagang niresbakan niya ang mga basher.

Kaya sa nakaraang finale presscon ng daytime series niyang Playhouse na magtatapos na ngayong linggo, nanindigan ang dalaga sa pagpatol niya sa mga ito.

“Hindi kasi magandang magsalita ka ng di maganda laban sa ibang babae. Parang hindi ko ‘yun kayang palagpasin.

“Kasi, unang-una, masama na ngang magsabi ng di maganda sa kapwa. Pangalawa, ke babae mong tao, babae rin ‘yung ide-degrade mo.

“Paano mo ba tinitingnan ang sarili mo as a woman, di ba? Ano ‘yung disposisyon mo. At magulang siya. Parang di naman maganda na ganu’n yung gusto mo na maging example (sa mga anak mo),” katwiran pa niya.

“May mga bagay na kailangan mo lang i-call ‘yung attention para may mga bagay na tumigil lang at tigilan ka na rin,” sabi pa ng aktres.

May nagtanong naman sa kanya kung naaapektuhan pa ba siya ng pamba-bash ng mga netizen, “Hindi naman para maapektuhan ka na wala na, ayaw mo nang mag-artista. Parang pag may nabasa ka, ‘O

wow! Ang galing, ah! Ang galing ng mga opinyon nila.’
“Hindi naman mawawala ‘yun, pero hanggang du’n lang yun. Wala ka nang magagawa du’n,” aniya pa.

Read more...