HINATULANG makulong ng anim hanggang walong taong pagkakakulong si dating Optical Media Board chairman Ronald Ricketts sa kasong graft kaugnay ng pagpapalabas nito ng mga nakumpiskang pirated VCD at DVD noong 2010.
Kasama niyang nahatulan sa Sandiganbayan Fourth Division si Glenn Perez, Executive Director at Computer Operator ng OMB.
Sina Ricketts at Perez ay pinagbawalan din na makahawak muli ng posisyon sa gobyerno.
“In this case, it has been sufficiently established that the accused gave some person or entity unwarranted benefits, advantage or preference,” saad ng 23 pahinang desisyon ng korte.
Pinawalang-sala naman ng korte sina Manuel Mangubat, head ng Enforcement and Inspection Division at Joseph Arnaldo, investigation agent I, dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Ayon sa prosekusyon noong Mayo 27, 2010 ay binigyan umano ng mga akusado ng pabor ang Sky High Marketing Corp., ng payagan nitong makuha ang mga kinumpiskang VCD at DVD na maituturing na ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga may-ari nito.