Salat sa pagkain, sagad sa trabaho!

NAPAKAHIRAP magtrabaho kung nagugutom. Ngunit ito ang madalas na kalagayan ng ating mga OFW lalo pa yung mga kasambahay o domestic helpers.

Gayong nagtatrabaho sila sa loob ng mga tahanan at literal na naroroon sila sa mga kusina, kung bakit hindi naman sila makakain sa tamang oras at wala rin silang sapat na pagkain. Bukod pa sa hindi sila sanay kumain ng mga pagkaing kinagisnan na sa mga bansang pinagtatrabahuhan.

Kaya naman nang magkaroon ng isyu noon hinggil sa mga pagmamalupit sa ating mga OFW sa Kuwait, naging bahagi ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaan ng Kuwait at Duterte administration, pati na ang mga bansang nasa Gitnang Silangan, na papayagang magluto ng sariling pagkain ang
ating mga OFW.

Sabi nga ng mga matatanda, hindi makatatayo ang isang sako kung wala itong laman. Gayon din ‘anya ang ating mga OFW. Wala silang lakas na magagamit kung nagugutom sila. Isa pa, pati ang kakayahan nilang mag-isip at magdesisyon, tiyak apektado rin.

Tulad na lamang sa bansang Hongkong. Sa kabila ng patuloy na pagpapalakas at pina-igting na mga batas para sa pagbibigay proteksyon sa mga dayuhang manggagawa doon, hindi lamang sa mga Pilipino, tipo yatang napakahirap pa ring ipatupad ito.

Nagpapatuloy ang mga report na nagugutom pa rin ang mga OFW doon pati na ang sobra-sobrang oras ng pagtatrabaho. Mahirap nga ba talagang makontrol ang oras nila?

May kahirapan nga, lalo pa’t stay-in ang mga OFW doon. Kahit oras na ng kanilang pag-tulog, ngunit kung gising pa naman ang lahat ng miyembro ng pamilya lalo na kung may maliliit na batang alagain pa, tiyak namang hindi rin makakatulog ang ating mga kababayan ng maaga.

Isa pa, may likas na malasakit ang ating mga OFW. Hindi rin daw nila maaatim na matulog na lamang gayong magulo pa ang buong kabahayan. Tiyak na tutulong at tutulong pa rin sila.

Hindi birong sakripisyo ang dinaranas ng ating mga OFW saan man sa mundo, kaya naman, ipinagpapasalamat natin na may mga opisyal tayo ng pamahalaan, tulad ng mga nasa embahada at konsulado ng Pilipinas, na patuloy na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan.

Dahil kung nagpa-patuloy ang ganitong situwasyon, tiyak na maaapektuhan ng husto ang kanilang mga kalusugan.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...