Hatol sa paring laman

WALANG kawala sa tukso, maging si Jesus, pero nanindigan Siya para sa Ama. Di nais ng doktrina na mapunta sa impiyerno ang paring nag-sex selfie, pero ito ang kanyang pinili sa kalayaang ibinigay ng Anak. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Dt 26:4-10; Sal 91:1-2, 10-14; Rom 10:8-13; Lc 4:1-13) sa unang Linggo ng Kuwaresma.

Bagaman walang opisyal na pahayag ang simbahan sa mga paring laman hanggang ngayon (na minsan ay sinundot sa ambo ng ilang militanteng pari sa Diocese of Malolos), maliban sa panlulumo sa Vatican ni Cardinal Tagle sa harap ng Santo Padre at mga obispo, walang bisa ang anumang espirituwal na pakikialam kung ang pasya ay ligaya ng kasalanan diretso impiyerno.

Si St. Thomas Aquinas, isa sa mga doctor ng simbahan, ay minsa’y nagduda na walang Diyos. Kung may demonyo, samakatuwid walang Diyos. Pero, mahiwaga ang kilos ng Diyos. Sa pagpili ng mga paring laman sa impiyerno, ang simbahan ay babangon nang mas malakas, tulad ng paglipas ng dark ages; na ang anak ng obispo ay kanyang sinasanay bilang kapalit niya, at talamak ang simony.

Sa Canon law, dedikasyon ng simbahan ang paghilom. Pero, wala itong magagawa kapag ang pinili ay di pagliligtas. Nais ng Diyos na maligtas ang lahat, lalo na ang mga itinalaga. Pero, kung ayaw ng pagliligtas ang mismong nangangaral ng pagliligtas, sino ang simbahang puputol sa kanilang kaligayahan (ngayon lang ako kumibo sa isyung ito dahil hinintay ko muna ang pagkibo ng dapat kumibo)?

Kawawa naman ang mga gumagamit ng tubig. Isinakay na naman sila sa tsubibo ng mga tagapagsalita ng concessionaires. Ang MWSS at concessionaires ang nagkulang (inuna kasi ang pagkakamal ng pera) dahil hindi sila nagtayo at nagbukas ng bagong pagmumulan ng tubig. Sa umpisa pa lang ay alam nila na magkukulang ang igiban (dams) at mamiminsala ang tagtuyot. Ang pagkukulang na ito ay matagal nang nakita ni Ferdinand Marcos.

Dedma ang MMDA ng rebeldeng Danilo Lim sa krisis sa tubig. Kaya nilang tumulong dahil matatanda na sila. Ngayon dapat ipakita ng MMDA ang kanilang kalinga at tulong, hindi ang pagyayabang ni Bong Nebrija sa mga walang kakayahan sa kalye. Makalalabas pa kaya ang mababahong residente para bumoto sa Mayo (hanggang Mayo raw ang krisis)? Ngayon pa lang ay nais nang magsara (muna) ng mga paaralan dahil sa umaalingasaw na mga kubeta mula unang palapag hanggang ikaapat.

Nakadududa kung bakit kayang magpuyat ang ilang lalaki sa isang barangay sa Pasig (remember Pasig shabu tiangge?) sa pila-balde sa tubig. Alas-10 n.g., pa lang ay may tagay MP na sa pila. Pero, bakit mas lalo silang gising pagdating ng bumbero alas-3 n.u.? Dapat dinadalaw na ng antok dahil nakainom na. Pampasigla talaga ang shabu na panundot (pangbanlaw) sa MP.

Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang pagpili ng tamang kandidato. Yan ay kung magiging tapat na ang Comelec sa Mayo at di na pamumunuan ang pandaraya sa AES (Automated Election System). Tatlong eleksyon na tayong winawalanghiya ng Comelec, magpapawalanghiya pa ba tayo sa Mayo? Nakadududang tahimik ang imperial Davao sa nakaambang pandaraya na isasagawa ng isang daliri lamang sa keyboard. Ang pandaraya ba ay pabor sa kanilang mga manok?

UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Bagna, Malolos City, Bulacan): Huwag sumunod sa “Pagalingan ng Lolo ko (wala yan sa lolo ko)” ng isang noontime show. Dahil hindi yan totoo, ang sinasabing “mas magaling” ang lolo ko ay “magaling” lang sa ibang lolo dahil mas magaling sila sa mas magaling na lolo. Ang turan nito ay di talaga pinakamagaling ang sinasabing mas magaling dahil may mas nakahihigit pa. Dahil ang kaalaman ni lolo ay may mas higit pa, ang pagpapakumbaba. Bakit tila paborito ng mga senior ang magmagaling kapag may nagmamagaling?

PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa San Jose, Bulakan, Bulacan): Humihinto ang demonyo sa katutukso kung nakasunod ka na sa kanya. Tumitigil ba ang adik sa kasisinghot, ang sugarol sa katataya, ang lasenggo sa katotoma, ang hayok, sa laman? Bakit pa niya tutuksuhin ang nasarapan sa tukso?

PANALANGIN: Vade retro satana. Dasal ni St. Benedict.

MULA sa bayan (0916-5401958): Ang kabilang parlor (NPA) ay may ikinakampanya nang mga kandidato. Kung di namin sila iboto, babalikan kami. Ang NPA sa lalawigan ay suportado rin ng ilang LGUs. …7120, Casisang, Bukidnon

Read more...