DAHIL panahon ng halalan kaya normal lang na kumuha ng serbisyo ng mga professional na public relations firm ang mga kandidato.
Tuwing ganitong panahon rin ay buhay na buhay ang advertising industry dahil sa taas ng rate para sa mga advertisement sa traditional media pati na rin sa social media.
Discreet ang operasyon ng ilan sa mga PR firms pero ang iba naman ay lantaran ang pakikipaglaban.
Hindi biro ang halagang ibinayad ng isang grupo ng mga senatorial candidates para sa serbisyo ng isang beteranong PR man na kilalang kilala sa industriya.
Dahil may dating ang kanyang PR firm kaya malaki ang singil n’ya sa mga kliyente na natural lang naman dahil matindi rin naman ang ipinangako niyang output.
Heto ngayon ang problema, sa kabila ng malaking pera na ibinigay sa beteranong PR guy ay nananatiling kulelat pa rin ang ranking ng kanyang mga kliyente.
Isa sa mga ipinagtataka ng mga nagbayad na kandidato ay ayaw isapubliko ni PR man na siya ang may hawak sa kandidatura ng mga ito.
May katwiran din naman kasi si Sir ayon sa aking Cricket.
Ayaw niyang malaman na siya ang nasa likod ng kampanya sa ilang mga kandidato dahil baka raw siya paginitan ng pangulo.
Pero kahit anong tago ay halata rin si Sir sa kanyang pagtutulak sa pangalan ng kanyang mga kliyente dahil sa madalas nitong mga komento sa social media lalo na sa Facebook.
Sa ngayon ay nagdadalawang isip na ang mga kliyente ni PR Man dahil parang wala na itong magagawa para maisalba ang sadsad nilang posisyon sa mga survey.
Ang PR Man na hindi maideliver ang ipinangako niyang magandang survey result sa mga kliyente niya para sa Senado ay si Mr. C….as in Cauliflower.