ANG laking ginhawa sa daloy ng trapiko sa EDSA ang ginawa ni MMDA Operations Head Bong Nebrija na pigilin sa loob lamang ng Yellow Lanes ang lahat ng bus na bumabaybay doon.
Sa ginawang pagpapatupad ni Nebrija ng Yellow Lane Rule, siniguro ng mga MMDA Traffic Enforcers na hindi inaangkin ng mga bus ang lahat ng lanes sa EDSA at tiniyak nilang mananatili lamang sa dalawang pinaka-kanang lanes ang mga higanteng bus.
Dahil dito, nawalan ng moving obstructions ang Highway 54, na siya na mismong naging main artery ng Metro Manila at nagkokonek ng northern at southern part Luzon.
Ayon kay Nebrija, panahon na para pilitin ang lahat ng motorista na sumunod sa mga batas trapiko at hindi yung may pinapaboran at may hinuhuli.
Sa matagal na panahon kasi, laging pi-nababayaan ng mga traffic regulators ang mga public utility drivers na maghasik ng lagim,
habang palagian namang sinisita ang mga private vehicles.
Nagkaroon tuloy ng sense of entitlement ang mga driver ng jeep, bus at taxi, na hindi dapat sila hinuhuli kahit sagabal na sila sa daan dahil “naghahanabuhay lamang sila” at kailangan nila maging barubal sa kalye dahil “mahirap lang sila.”
Sinabi ni Nebrija na walang pinagkaiba ang pagpila ng mga sasakyan sa highway lanes sa pagpila sa bangko, LTO, fastfood chains at iba pang lugar na kailangan pumila para magkaroon ng kaayusan.
Matagal ko nang sinasabi na ang pagmamaneho at trapiko ay maaayos lamang kung naiintindihan ng mga driver ang konsepto ng “lane driving at following the line.”
Ito ay dahil sa tuwing may lilipat ng “lane” o “lane change” ay nagiging sanhi ito ng pagbagal ng 5 porsyento ng tulin ng sasakyan sa likod.
Ang bawat sasakyan sa likod ng bumabagal na sasakyan sa highway ay bumababa ang tulin ng 5 porsyento, kung kaya’t ang ikalawang sasakyan sa likod ay babagal ng 10 porsyento at ang ikatlo ay 15 porsyento. Di magtatagal ay nakahinto na ang sasakyan sa likuran at trapik na ito.
Para mas malinaw, kung 60kph ang takdang tulin ng highway para mabilis na makakilos lahat ng sasakyan at maayos ang daloy ng trapiko, sa bawat sasakyan na bumaba ng 55kph ay pipilitin nitong bumagal ng 50kph ang nasa likod nito.
Ang susunod na kotse ay bababa ng 45kph at ang susunod pa ay 40kph, ang nasa likod ulit ay magiging 35kph and so on and so forth.
At dahil walang sense of minimum at maximum speed ang Pilipino pag nagmamaneho (sobrang dami yung nakikita natin na nagmamaneho ng sobrang bagal kaya bulumbun ang trapik sa likod nila) laging mabagal ang trapiko.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.