NAGPATIKIM ang Kapuso loveteam na sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix ng ilan sa mga dapat abangan sa bago nilang primetime series sa GMA na Sahaya.
Bago magsimula ang presscon para sa nasabing Kapuso epic drama series nag-perform muna sina Bianca at Miguel ng isang traditional dance sa Sulu Province na tinatawag na “Pangalay.”
Pinalakpakan at pinuri ng entertainment media ang magka-loveteam dahil nabigyan nila ito ng hustisya. Kitang-kita ang magandang resulta ng ilang buwan nilang pagsasanay. Perfect ang bawat galaw ng kanilang katawan at ang pilantik ng kanilang mga daliri.
Ayon kay Miguel, kinakarir nila ang bawat eksena sa Sahaya kaya talagang tumatayo ang balahibo niya habang ipinalalabas ang trailer ng serye na idinirek ni Zig Dulay.
“Sobrang haba ng preparation namin ni Bianca at talagang nag-effort kami rito nang sobra-sobra. Kailangan bawat kilos at galaw namin, pati pananalita ay tama dahil nire-represent nga namin ang mga Badjaw,” pahayag ng binata.
Sa pamamagitan daw ng ng Sahaya, makikita at mae-experience ng bawat Pilipino ang mayamang kultura at buhay ng mga Badjaw.
Sabi naman ni Bianca, bukod sa love story ng mga karakter nila ni Miguel bilang sina Sahaya at Ahmad, marami pa silang ihahain sa mga manonood na siguradong magiging bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay.
“Ang Sahaya po ay tungkol sa lahat ng aspekto ng buhay. Marami pong matututunan ang viewers sa kuwento ni Sahaya. More than the love story between Sahaya and Ahmad, makaka-relate rin ang mga manonood sa buhay ng kani-kanilang pamilya,” kuwento ni Bianca.
Samantala, bilib na bilib naman ang direktor ng Sahaya na si Zig Dulay sa dedikasyon atb propesyonalismo na ibinibihay ni Bianca sa pagganap bilang si Sahaya.
“Yung sinu-shoot namin ‘yung eksena ni Bianca na sumasayaw siya sa laot, nasa gitna talaga siya. Doon ko napatunayan na iba, sobra-sobra ‘yung ibinibigay niya doon sa materyal. Medyo maalon kasi at mahangin, at ‘yung sayaw niya may balancing involved.
“Sabi ko sa kanya, ‘Bianca, kung hindi mo kaya, umupo ka na lang. Okay lang sa akin.’ Sabi niya, ‘Hindi Direk, try natin.’ Ang saya-saya tingnan kasi somehow nagta-transcend ‘yung passion niya na gawin ‘yung bagay nang tama, na mas mahusay kaysa doon sa inaasahan. Lumalagpas siya doon sa expected,” papuri pa ng direktor sa dalaga.
Aniya pa, “Nu’ng nagsu-shoot kami ng underwater scenes niya, siyempre ‘yung nature hindi na natin kontrolado. Hindi siya makalubog, pero sabi niya, ‘Direk, try ko talagang lumubog. Kasi as a Badjaw girl, kailangan marunong akong sumisid.’ So ginawa niya.”
Mapapanood na ang Sahaya simula March 18 sa GMA Telebabad after Kara Mia. Ito ang papalit sa magtatapos nang Onanay.
Makakasama rin sa bagong seryeng ito ng GMA sina Eric Quizon, Zoren Legaspi, Mylene Dizon, Pen Medina, Jasmine Curtis, Snooky Serna, Anna Roces at Ashley Ortega.