NANGANGAILANGAN ng capital o puhunan ang bawat negosyo o kabuhayan.
Pero kumusta naman ang ating mga OFW? Ano ba ang puhunan na dapat meron sila upang makapagtrabaho sa abroad?
Maraming pera pang lakad ng mga dokumento? Koneksyon sa gobyerno? Maraming kakilala sa abroad? Magaling maghanap ng recruitment agency na pag-aaplayan o mamimili ng pinakamagandang bansa na nais puntahan?
Wala sa alinman sa mga nabanggit ang puhunang kinakailangan ng isang OFW upang makapag-abroad.
Ito ay ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan. Dapat “physically fit” ang isang OFW. Pumasa sa lahat ng mga medical at psychological tests na isinagawa sa kaniya.
At kahit sabihin pang pasado na sa Pilipinas, at matagumpay namang nakaalis na, may mga bansang ipinauulit pa ang kanilang medical examination.
May mga OFW nga tayong kahit nakapag-simula nang magtrabaho pero napapabalik pa rin sa Pilipinas dahil may nakitang “scar” sa kanilang mga lungs.
May mga trabahong humihiling ng physical examination sa ating mga OFW tuwing anim (6) na buwan. Ibig sabihin lamang niyan, hindi talaga pupuwedeng manatili ang sinuman na may taglay na sakit.
Kahit pa nga ang akala natin ay simpleng ubo at sipon lamang. Paano kung anim na buwan na palang may dinaramdam na ganyan ang isang OFW? Paano siya makakapagtrabaho bilang isang caregiver o di kaya ay yaya?
Tiyak hindi papayag ang kanilang mga kapamilya na manatili ang OFW doon. Sasabihin nilang mahahawa pa ang batang inaalagaan nito o kahit ang matanda pa.
Isang manggagawang malusog at walang sakit ang nais ng bawat employer at karapatan din naman nilang maging mahigpit sa pagpili upang sulitin din naman ang kapalit na sinasahod ng mga ito sa kanilang pagtatrabaho.
Nakalulungkot lang na marami sa ating mga kababayan ang nagiging abusado sa kanilang mga katawan. Lalo na kung mga bata pa. Sabi nga ng ating cardiologist na si Dr. Ernie Baello, feeling ‘imortal’ kasi ang mga kabataang ito, na akala mo’y hindi dadapuan ng sakit at malayo sa kamatayan.
Kaya huwag sanang balewalain ng ating mga OFW ang tamang pangangalaga sa kanilang mga katawan. Tigilan ang bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Isama na rin natin diyan ang walang dahilang mga pagpupuyat kakagamit ng internet at magtatrabaho kinabukasan na walang tulog. Tiyak na apektado nito ang kaniyang kalusugan.
Bukod pa diyan, hindi rin makakapag-focus sa trabaho ang isang taong puyat kung kaya’t sa bandang huli, ito rin ang magiging dahilan ng pagkakatanggal niya sa trabaho.
Para sa ating mga OFW, pakaingatan ang inyong mga kalusugan, iyan ang inyong pinakamahalagang puhunan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com