Ihalal ang mga kababaihan sa Kongreso

NOONG Biyernes, Marso 8, 2019, ay ginunita ang International Women’s Day, samantalang ipinagdiriwang naman sa buong buwan ng Marso o mula Marso 1 hanggang Marso 31, ang National Women’s Month.

Napakahalaga naman na tiyakin na may boses ang mga kababaihan sa Kongreso na siyang magsusulong ng kanilang interes at magtitiyak na maisasabatas ang mga panukalang para sa mga kababaihan.

Mangyayari lamang ito kung kapwa mga kabaro nila ang magrerepresenta sa kanila sa Kongreso na alam naman nating dinodomina ng mga kalalakihan.

Binigyang diin ito ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos bilang pagbibigay pugay sa mga babae ngayong National Women’s Month.

Aminado si Marcos na karamihan pa rin sa mga senador at kongresista ay mga lalaki.

Katunayan, sa datos ng Kamara de Representantes, sa kabuuang 291 mga kongresista, 89 lamang dito o 30 porsiyento lamang ng mga mambabatas sa Kamara ay mga babae, kung saan 23 pa sa kanila ay nasa huli at ikatlong termino na.

Sa Senado naman, sa kabuang 23 miyembro ng Mataas na Kapulungan, anim lamang dito o 24 porsiyento ay mga babae, kung saan ay isa ay nasa huling termino, ang isa ay nakakulong at ang tatlo ay mga pawang tumatakbo para sa reeelection.

Sinabi ni Imee na kung titingnan lang nating mabuti ang bilang na ito, talagang mahirap na maitulak ang mga panukalang batas na magsusulong ng interes ng ating mga kakabaihan.

Iginiit ni Imee na iba pa rin ang mangyayari kung mas marami ang bilang ng mga babaeng mambabatas.

Dapat talagang makapaghalal tayo ng mas maraming babae ngayong darating na eleksyon sa Mayo.

Dahil dito, nanawagan si Marcos sa mga mga botanteng Pinoy, maging babae man o lalaki ot ang LGBT community na iboto ang mas maraming kababaihan sa Kamara at Senado bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month.

Naniniwala si Marcos na kung mas maraming kababaihan ang maihahalal sa Kongreso, magiging malaking boses ito para isulong ang karapatan at interes ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng mga panukala.

Iginiit pa ni Imee na dapat ay baguhin na rin ang pananaw na ang mga babae ay pawang mga sex objects lang at pangalawang magaling sa mga lalaki.

Dapat ay patas na para sa lahat ngayon.

Nais din ni Imee na magkaroon ng solidong women’s bloc sa Kongreso na magtutulungan para isulong ang mga adbokasiya para sa mga kababaihan.

Dapat talagang tiyakin na may sapat na boses sa Kongreso ang mga kababaihan.

Read more...