SA ginanap na mediacon para sa ikalimang taon ng “Sinag Maynila: Sine Lokal, Pang Internasyonal” isa-isang inihayag ang mga pelikulang napili para sa nasabing film festival na magsisimula sa Abril 3.
Ito’y handog ng Solar Entertainment sa pangunguna ni Wilson Tieng at Cannes Film Festival Best Director Brillante Mendoza.
Ang magiging opening film this year ay ang three part omnibus film na “Lakbayan” na idinirek nina Brillante, Lav Diaz at National Artist for Film, Kidlat Tahimik na pawang mga awardee sa Berlin International Film Festival.
Ang festival proper ay magsisimula sa Abril 4, sa mga piling sinehan sa SM supermalls, Gateway at Ayala malls.
May Sinag Maynila forum sa Abril 6 kung saan makakasama sina Joanne Goh, chairman ng Malaysia International Film Festival at Young-woo-Kim, programmer ng Busan International Film Festival, habang may Fellowship Night naman ang Film Development Council of the Philippines (FDCP), screening at symposium ng environmental film hatid ng The Plastic Solution, Film Editing Workshop mula sa Edge Manila Creatives at screening ng “Journey, Asian Three-Fold Mirror” na project ng Japan Foundation sa Abril 8, (para sa closing ceremony ng festival).
Narito ang mga pelikulang kasama sa full length category: “Akin ang Korona (The Crown is Mine)” ni Zig Dulay; “Jesusa” ni Ronald Carballo na pinagbibidahan ni Sylvia Sanchez; “Jino To Mari” ni Joselito Altarejos starring Oliver Aquino and Angela Cortez; “Pailalim (Underground)” ni Daniel Palacio kung saan bida sina Joem Bascon at Mara Lopez; at “Persons of Interest” ni Ralston Jover starring Allen Dizon and Dimples Romana.
q q q
Sadyang sinubaybayan ng mga manonood ang makapigil-hiningang misyon nina Patty (Angelica Panganiban) at Marlon (Zanjoe Marudo) na sagipin ang kanilang inaanak na si Robin (Justin James Quilantang) sa umereng kuwento ng Playhouse.
Dahil sa muling pagsasanib-pwersa ng mag-asawa para kay Robin kasama na ang tulong ni Natalia (Maxene Magalona), nakakuha ang Playhouse sa national TV rating na 17.9% noong Huwebes (Marso 7), base sa datos ng Kantar Media. Sampung puntos naman ang lamang ng show laban sa kalabang programa nito na nagtala lang ng 7.8%.
Siksik sa aksyon at suspense ang mga naging tagpo sa kwento lalo pa’t nasubok din ang pag-ibig ni Natalia para sa asawang si Peter (Ivan Padilla) na siyang may pakana sa naturang pagdukot, habang pinatunayan naman ni Natalia na mas matimbang ang pagmamahal niya para sa pamangkin.
Ngunit kahit ligtas na si Robin, hindi pa tuluyang napupuksa ang panganib para kina Patty, Marlon at Natalia.
Sa huling dalawang linggo ng Playhouse ay babalik pa si Peter para maghiganti sa kanila at wakasan ang kanilang mga buhay. Kaya bang pigilan nina Patty at Marlon ang kasamaan ni Peter?
Abangan ang nalalapit na pagtatapos ng PlayHouse tuwing umaga sa ABS-CBN.