HINDI nagkukrus ang landas namin ng magaling na aktres na si Sylvia Sanchez. Matagal na niyang gustong magkaroon kami ng bonding pero hindi ‘yun matuluy-tuloy.
Pero abut-abot naman ang kanyang pagte-text ng pasasalamat sa amin, maraming-maraming salamat sabi niya, sa walang kupas naming pagmamahal sa kanyang pamilya.
Ang sitwasyon namin ni Sylvia ang buhay na patotoo na kahit hindi nagkikita ang magkakaibigan ay napapanatili ang init ng tiwala at pagmamahal.
Ang pinakamahalaga pa rin ay malayuang komunikasyon, ang pakikibalita sa isa’t isa, lalo na ang nabuo n’yong respeto at tiwala na hindi kayang wasakin ng kahit sino.
May mga nagtatanong sa amin kung bakit mahal namin ang magkapatid na Arjo at Ria Atayde. Malalim ang dahilan. Ni wala pa sa utak ng magkapatid na mag-aartista rin pala sila ay nakakasama na namin sina Arjo at Ria na bitbit ng kanilang ina.
Marespeto ang mga anak ni Ibyang, hindi puwede sa aktres ang mga palalong anak, siguradong makakatikim sila. Ang magandang pagpapalaki nina Art at Sylvia sa magkakapatid ay nasubaybayan namin.
Kaya kapag may mga nagbibintang kay Arjo na gagamitin lang nito si Maine Mendoza ay umaaklas ang aming kalooban. Naka-shorts pa lang si Arjo ay sukat na namin ang ugali ng binata.
At kayang panindigan ni Sylvia Sanchez ang kanyang sinasabi na ipakikipagpatayan niya ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang mga anak.
Aysus, kilalanin muna sana ng mga taong walang magawa sa buhay diyan kung sino ang babaeng sinusukat nila ang kapasidad, kilalanin muna nila kung sino si Sylvia Sanchez bilang ina.