KUNG sa tingin ninyo ay may mga babaeng madaling ma-depressed, lahat ‘yan ay may dahilan.
At isa na riyan ay kung overworked ang isang babae — meaning nagtatrabaho siya ng mahabang oras pero mas maliit ang sweldo.
Ayon sa isang pag-aaral sa United Kingdom, mas madaling ma-depressed ang mga babae na nagtatrabaho ng labis-labis sa oras kumpara sa mga lalaki.
Lalo pang nakararamdam ito ng depresyon kung pati weekend ay nagtatrabaho rin ito.
Hindi rin naman ito naiiba sa lalaki, na na-dedepressed din kung may work tuwing weekend.
Ito ang resulta ng isinagawang pag-aaral ng University College London, Department of Research and Policy at Age UK, at Queen Mary University of London, sa datos ng 11,215 lalaki at 12,188 babae.
Ikinonsidera sa pag-aaral ang edad, marital status, anak, suweldo at kung gaano kakontento sa buhay ang mga lumahok sa pag-aaral.
Ang standard na 35-40 oras ng trabaho kada linggo ang ginamit na batayan.
Lumalabas na ang mga babae na nagtatrabaho ng 55 oras o higit pa kada linggo at nagtatrabaho kapag weekend ay mayroong hindi magandang kondisyon ng kaisipan kumpara sa mga babae na hindi nagtatrabago ng ganito kahaba.
Mas madali naman ma-depress ang mga may edad na, naninigarilyo at kumikita ng maliit. Ikinonsidera rin ang mga babae na kailangang magtrabaho ng weekend dahil maliit ang kanilang suweldo.
Dumaragdag din umano sa pagkakaroon ng depresyon ng mga babae ang pagtatrabaho ng walang bayad sa bahay pagkauwi galing sa trabaho.