Joyce Ching handa nang maging misis; sobrang ngawa nang yayaing pakasal


HANDA nang maging misis ang dating Kapuso tween star na si Joyce Ching. Game na game na rin siyang bumuo ng sariling pamilya with her non-showbiz fiance Kevin Alimon.

Nakachikahan ng ilang members ng entertainment press si Joyce sa fans and bloggers’ conference ng bago niyang serye na Dragon Lady kung saan ipinalabas rin ang pilot episode ng programa na pinagbibidahan ni Janine Gutierrez.

Dito nga naikuwento ni Joyce ang tungkol sa pagpo-propose sa kanya ng boyfriend na 26 na ngayon habang 24 naman ang aktres.

Feb. 25 nag-propose kay Joyce si Kevin, sa Breakout. Ito’y isang “Real-Life Escape Room Game” kung saan kailangan mo munang i-solve ang mystery puzzles sa iba’t ibang kuwarto bago makalabas.

“Nu’ng malapit na kaming makalabas, naglabas siya ng paper, kakuntsaba niya yung mga tagadun, inabot sa kanya , sabi niya may clue, ‘Eto yung clue!’

“Ganyan. So binasa niya. Sabi ko, ‘Ang tagal mong magbasa, ako na nga ang magbabasa.’ Tapos pinagpatuloy niya lang, tapos bigla siyang nag-Tagalog, sabi niya,’Dati pa kitang crush’, yung mga ganu’n.

“Sabi ko, ‘Ha? May Tagalog, bakit may Tagalog?’ Tapos hinablot ko sa kanya yung paper tapos iyon na, dun nakasulat yung letter siya, tapos dun na siya nag-propose,” kuwento ng aktres.

Ayon pa sa Kapuso star, napag-uusapan na rin nila ni Kevin ang tungkol sa kasal, “Yes, we talk about yung future plans, ganyan, pero hindi ko lang alam at hindi ko in-expect na nu’ng day na yun mangyayari.”

Na-shock at naiyak din daw si Joyce nang mag-propose na si Kevin, “Sobra! Yung mga photos namin yung right after nung proposal, sobrang namamaga yung ilong ko. Umiyak din naman siya pero mas ngawa ako.”

Bakit nag-yes agad siya? “Kasi, mahal ko siya! At bukod dun kasi parang even before ako pumasok dun sa relationship namin as boyfriend/girlfriend, siniguro ko na talaga, tinanong ko yung sarili ko, if magpo-propose ba ‘to, sasagutin ko ba siya?

“Ready ba ako na ikakasal ako sa kanya? Parang hindi lang ako nag-yes to boyfriend-girlfriend pero inisip ko na rin yung future. Na if mag-i-invest ako sa relationship na ‘to, sure ba ako na haggang marriage ‘to, hanggang marriage game pa rin ako, sure pa rin ako,” aniya pa.

Hindi pa sure kung this year na sila magpapakasal pero kung gusto ni Kevin na ngayong 2019 na maganap ang wedding, ready na rin siya, “Opo. Well lahat naman ng step na ginagawa naming sa relationship naming pinagdadasal naming mabuti at mine-make sure naming na parehas kaming ready.”

Ang dream wedding daw ni Joyce ay, “Yung very intimate, na yung mga nandu’n lang talaga is yung mga taong involved sa relationship namin, mga taong ka-close talaga namin. Iyon yung dream ko. Sobrang simple and intimate wedding.”

Wala naman daw ipinagbabawal si Kevin sa kanyang bilang artista, “Very supportive siya. Pero isa yan sa mga bagay na we had to discuss especially kasi contravida roles nga yunggnagawa ko, parang dun ako papunta.

“So ano lang in-inform ko siya sa lahat ng puwedeng mangyari, yung puwedeng gawin like sa characters ko, tulad dito sa Dragon Lady medyo mature, medyo daring, medyo sexy yung mga damit-damit ko. Okay naman po siya du’n. Naiintindihan naman niya,” lahad pa ni Joyce.

Paano kung may kissing scenes? “Hindi naman po mawawala yung mga kissing scenes pero may mga daya-daya, mga ganu’n. Smack-smack lang.”

Samantala, handa na rin si Joyce na kainisan ng manonood dahil sa gagawin niyang pagpapahirap sa karakter ni Janine sa Dragon Lady na nagsimula na kahapon sa GMA Afternoon Prime after Eat Bulaga, kapalit ng Asawa Ko, Karibal Ko.

Read more...